Naaalala mo pa ba noong ikaw ay bata pa? Tangan tangan ng iyong ina ang isang aklat sa kanang kamay at isang patpat na pamalo naman sa kaliwa. Naaalala mo pa ba noong umiiyak ka kapag pinapabasa ka ng iyong guro sa elementarya? Naaalala mo pa ba ang mga katagang binibigkas mo ng paulit-ulit—ang katagang A-BA-KA-DA?
Marahil ay maraming taon na nga ang lumipas, ang mga nakasanayan mo noon at ibang-iba na sa nakikita mo ngayon. Iba na noong ika’y nag-aaral pa kaysa ngayong guro ka na. Pigil ang buntong hininga habang pinapabasa ang mga batang ni isang letra ay walang makilala. A-BA-KA-DA, ang aklat na humubog sa akin sa pagbabasa noong ako ay bata pa at ngayon ay aking gagamitin upang aking mag-aaral ay matuto ring bumasa.
“Ma’am, ano po ulit ang basa? Nakalimutan ko po kasi.”, sambit ng isang batang aking pinapabasa. “Hindi din po kasi ako pinapabasa sa bahay.”, dugtong pa nya. Kumawala na nga ang kanina ko pa pinipigilang buntong hininga. Napakapalad ko pala noong ako ay bata pa. Bukod sa guro kong nagtuturo sa paaralan ay may nanay pa akong gumagabay sa aking pagbasa kahit ang gamit lamang ay ang pamalo at ang aklat ng A-BA-KA-DA.
Tila bumalik ako sa reyalidad, isang malaking hamon ang pagtuturo sa pagbabasa na dulot ng pandemya. At mas matindi pang hamon kung walang magulang na maggagabay sa tahanan sa kanilang pagbasa.
By: Pearl Grace A. Gaspar|Teacher I | Our Lady of Lourdes Elementary School| Balanga City, Bataan