SA BANDANG LIKURAN

Maaga akong gumayak. Inihanda ang isang payak na bistida at walang takong na tsinelas. Payak man pero sapat na para palabasin ang natural kong ganda at katauhan bilang isang simpleng binibini. May kataasan na ang sikat ng araw nang lumabas sa tahanan at habang binabagtas ng sakay na jeepney ang kalsada, hindi matago ang mga…


Maaga akong gumayak. Inihanda ang isang payak na bistida at walang takong na tsinelas. Payak man pero sapat na para palabasin ang natural kong ganda at katauhan bilang isang simpleng binibini. May kataasan na ang sikat ng araw nang lumabas sa tahanan at habang binabagtas ng sakay na jeepney ang kalsada, hindi matago ang mga ngiti sa aking mga mata dahil panibagong araw na naman ng masayang alaala ang tatanim sa aking memorya.

                    Dumeretso na ako sa sinabing tagpuan, nilalaro ang telepono habang iniintay ang dahilan ng masayang paggising ngayong umaga. Hindi na nagtagal pa at dumating na ang pinakaiintay. Habang papalapit siya sa akin, dahang-dahang humihinto ang palagid, mistulang nawawala ang maraming tao sa mall at wala na akong ibang makita kung hindi ang taong pinakahihintay. Nakangiting bumati sa akin, “kanina ka pa?” Ilang Segundo bago ako sumagot, “hindi kararating ko pa lang.” Nagsimula na ang masasayang kwentuhan, tawanan at mga ilang seryosong usapan kasabay ng paglantak sa mga pagkaing paboritong pagsaluhan. Bago pa man tumawa sa mga nakakatuwang kuwento, nauuna ng tumawa ang mga mata. Sabi nga nila, “Sa mata mo makikita ang tunay na emosyon ng tao.”  Ngunit nakapagtataka, sa gitna ng masayang kwentuhan, muli ko na namang naramdaman ang kirot sa dibdib na hindi ko na naman alam kung saan nanggagaling. Saglitan itong bumibisita sa akin paminsan-minsan, isang kirot na wari’y nagpapahiwatig ng libo-libong emosyon na nagkukubli sa likod ng mga masasayang ngiti.

                    Nang matapos na ang masayang kuwentuhan, nagkayayaang maglakad-lakad upang magtingin ng mga bagong damit na nakahelera sa mga istante. Habang masaya siyang nabubusog ang mata sa katitingin ng mga naggagandahang damit, masaya namang ngumingiti ang aking mata sa taong pinagmamasdan ko. Hanggang sa huminto sa isang magandang bistidang nasa harapan naming ngayon. “Ano tingin mo sa damit na to? Malapit na ang kaarawan mo, ano bang gusto mong regalo?” ika niya. Bigla akong natahimik, hindi ko maunawaan ang libo-libong salitang nag-uunahan sa aking isipan upang aking masabi. “Wala, hindi namang ganyang regalo ang gusto kong matanggap.” Napatingin siya sa aking nagtataka, “Ano pa la?” Napangiti na lang ako sa kanya, “Wala, wag ka na mag-abala.” Tuloy-tuloy lang ang kwentuhan habang naglalakad, ngunit ang aking isipan ay lumilipad.

                    Napapansin ko siyang pasipat-sipat sa relo, hindi man siya nagsasalita, batid ko na ang ibig sabihin. “Pagabi na… tara uwi na tayo?” sambit ko na hindi pinahihintulutan ng aking puso. Habang patungo sa sakayan, biglang bumuhos ang ulan. Napangiti akong mapait, nakikiayon ba ang langit sa akin?’’ Tahimik lang naming pinagmamasdan ang ulan, tuloy-tuloy lang ang pagbagsak nito sa lupa. Ang dilim ng kalangitan, nagbabadya na marami pang ulan itong ibubuhos. Sa lakas ng ulan, biglang naging tahimik ang kapaligiran, payapa ang paligid ngunit hindi ang isip at puso. Maya-maya pa ay huminto na ang ulan, hudyat na ng paghihiwalay upang umuwi sa kanya-kanyang tahanan.

                    “Hatid na kita?” umiling na lamang ako at nagsabing “Wag na, malayo ka pa at baka bumuhos pa ang ulan.” Isang sagot naman ang narinig ko nagpagising sa aking reyalidad, “Ano ka ba! siyempre kaibigan kita no!” Nararamdaman kong unti-unting napupuno na ng tubig ang aking mga mata, “buti na lang, umuulan.”  Hindi pa ako nakasasagot may biglang may humintong lalaking nakapayong sa aming harapan.  Ang malamig na hangin ay biglang yumakap sa akin. Upang putulin ang mga ngitian dahil walang gustong umimik, ako na ang bumasag ng katahimikan.

                    “Sige na, baka maabutan pa kayo ng ulan.” Libo-libong lakas ng loob ang hinugot ko mula sa langit upang hindi matinag sa aking kinatatayuan at nakangiting magpaalam. Sabay silang nagpaalam, nakangiti lang akong nakatanaw sa kanila habang papalayo sila sa akin. Napakagandang larawan, isang napakatamis at mapait na ngiti ang aking pinakawalan. Napatingala ako sa kalangitan, madilim pa rin ito hanggang ngayon. Nagwika ang aking isipan, “Alam ng langit kung gaano ito kapait para sa akin.” Habang tinatanaw ang kanilang likuran na unti-unting nawawala, nung hapon iyon, isa lang ang tumatak sa akin. “Hindi nga pala ako ang tunay na kasabay mong maglakad, dahil narito lang ako sa bandang likuran, sa bandang likuran, isang anghel na tahimik na nanalangin sa iyong tagumpay at kasiyahan.”


Previous