BESTIDANG PANGKASAL

Masaya ang klase ni Bb. Reyes, ganoon naman palagi, wala namang araw na hindi kami natutuwa kapag siya na ang gurong pumapasok. Iba kasi talaga ang epekto niya sa amin. Dati, hindi ko gusto ang asignaturang Filipino, dahil bukod sa maraming salitang malalalim, marami ring sinasaulo. Ngunit nagbago ang pananaw ko simula ng maging guro…


Masaya ang klase ni Bb. Reyes, ganoon naman palagi, wala namang araw na hindi kami natutuwa kapag siya na ang gurong pumapasok. Iba kasi talaga ang epekto niya sa amin. Dati, hindi ko gusto ang asignaturang Filipino, dahil bukod sa maraming salitang malalalim, marami ring sinasaulo. Ngunit nagbago ang pananaw ko simula ng maging guro ko si Bb. Reyes. Isang napakasayahing binibi na bumubuhay sa aming klase at bukod pa rito, hindi rin maitatago na nagtataglay siya ng kagandahan. Marami ngang nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay dalaga pa rin ang binibi, at wala rin kaming nababalitaan na kasintahan niya.

                    Hindi ko namalayan na nakatitig na pala ako sa binibini na dahilan upang makuha ko ang kanyang atensyon, Natauhan ako nang marinig kong tawagin niya ang aking pangalan. “Clara, mukang malalim ang iyong iniisip. Maaari bang malaman  ang iyong opinyon tungkol sa paksa na ating binibigyan ng pangangatwiran?’ Mukang nahalata ng binibini na wala ako sa wisyo at hindi ko alam kung ano yung paksang aming tinatalakay kaya’t inulit niya ang katanungan sa akin. “Clara, uulitin ko ang katanungan, kung ikaw ba ang pangunahing tauhan sa kuwentong ating tinalakay, iiwan mo rin ba ang isang tao kung wala kang nakikitang magandang kinabukasan sa kanya?” Dahil nabasa ko na ang kuwento kagabi sa bahay, alam ko na ang isasagot ko sa kanyang katanungan. “Kung ako si Ofelia binibini, opo iiwan ko po.” Naghiyawan ang klase  sa aking kasagutan, lalo na ang mga kaklase kong babae. “Go girl! Itayo mo ang bander ani Gabriela!” sabi ng makulit kong kaklaseng si Izy. Nakangiting nakatingin ang binibini sa akin ngunit sa hindi ko maipaliwanag na pakiramdam, parang napakalungkot ng mga tinging iyon. “Maaari mo bang pangatwiranan ang iyong kasagutan, Clara?” Huminga ako nang malalim bago tuluyang ibinuka ang aking bibig, alam kong tama ang aking sasabihin, ngunit hindi ko alam kung  bakit ako kinakabahan. “Opo binibini, iiwan ko po dahil una sa lahat gaya ng pangunahing tauhan na si Ofelia, iniisip niyang babae po siya at ayaw niyang aksayahin  ang buhay niya sa taong hindi pa malinaw ang magiging kinabukasan. Bakit pa po niyang pipiliin na pahirapahan ang sarili niya kung may tao naman na pong may magandang kinabukasan na handa siyang  panindigan.” Naghiyawan ang mga kaklase kong babae sa aking kasagutan. “Syempre babae kami no! dapat kami ang bibigyan at ituturing na prinsesa!” sabat ng kaklase kong si Kathryn.

                    Napatingin ang binibini sa kaklase kong ito. “Salamat Clara, maaari ka ng umupo. Kathryn, maaari mo bang bigyan pa ng pagpapaliwanag ang iyong sinabi?” Tumayo naman ang aking kaklase at buong lakas ng loob na sumagot. “Opo  binibini sapagkat sa kaso po ni Ofelia, isa na po siyang propesyunal at ang kanyang kasintahan pa lamang po ay nahuli sa pag-aaral kaya po nag-aaral pa lamang ito. Bukod pa po rito, tumatayo po itong padre de pamilya ng kanilang tahanan sa kanyang maliliit na kapatid na siyang dahilan kung bakit hindi po ito nakapapasok at mas lalong tumatagal ang kanyang pag-aaral. Kapos rin po ang pantustos niya sa kanyang pag-aaral kaya’t maski si Ofelia po ay nahihirapan na rin sa pagtulong sa kanya. Kaya’t para sa akin binibini, pinili lang po niya ang kanyang sarili at wala pong masama roon.”  Nanaig ang kantyawan sa buong klase. “Grabe naman! masipag naman yung tao oh! Sadayang hikaos lang! iiwan agad?” wika ng kaklase kong si Arthur. “Oo nga! malay mo naman kung inintay lang ni Ofelia na makabawi yung tao, hindi naman siguro niya makalilimutan lahat ng tulong ni Ofelia no!” sabat naman ng kaklase kong si Josh. “Gaano kayo nakasisiguro na hindi niya makalilimutan? Ha?!” naiinis na sagot ni Kathryn. Napatingin ako sa binibini pagkatapos ito banggitin ni Kathryn at may napapansin akong namumuong tubig sa sulok ng mga mata niya. Nagpatuloy ang kanyang kantyawan at asaran sa klase at ilang segundo pa ay nagsalita na ang binibini. “Okay, narinig ko ang inyong mga kasagutan. At lahat naman tayo ay may karapatan sa kung ano man ang desisyon natin sa buhay na sa tingin natin ay makabubuti sa atin hangga’t wala tayong tinatapakan o sinasaktang tao.” Bago pa tuluyang magsalita ang binibini, sumabat si Izy, “Binibini, kayo po? Kung kayo si Ofelia ano gagawin niyo?”  Natahimik ang lahat, waring inaantay ang magiging sagot ng binibini. “Kung ako iyon, kung ako si Ofelia…mananatili ako… at iintayin ko siyang magtagumpay at tutulungan ko siya sa abot ng aking makakaya kahit gaano pa ako kapagod.” Nanlaki ang mata ng lahat, natahimik na waring hindi inaasahan ang magiging sagot ng binibini. “Totoo po ba? Binibini?” gulat na tanong ni Kathryn.

                    “Oo, dahil nagawa ko na iyon,” wala ng umiimik at mistulang hinihintay ang susunod na sasabihin ng binibini. Muka namang nahalata ito ng binibini kaya’t itinuloy na niya ang kuwento. “Minsan na rin akong nagmahal nang sobra, mahal na mahal ko ang taong ito kaya’t kahit gaano kahirap ang buhay, hindi ko siya sinukuan. May agwat ang antas ng pamumuhay ng pamilya namin ngunit kahit na ganoon, simula pa lamang ng sekundarya ay naging kabigan ko na siya at nagkapalagayan naman kami ng loob. Malaki man ang tutol ng magulang ko, wala silang nagawa dahil pinangako kong hindi ko sila bibiguin sa aking pag-aaral. Nauna ako mag kolehiyo ngunit kinailangan niya munang huminto, sapagkat kapos ang kanilang pang-araw-araw at inuna mo na niya ang kanyang maliliit na kapatid. Kahit ganoon, hindi ako sumuko, ramdam ko rin naman ang kasipagan at pagsusumikap niya para lang sa kanyang pamilya at sa akin. Ilang trabaho ang kanyang pinapasok para lang makapag-ipon at makabalik sa pag-aaral. Kaya’t noong ako’y nakapasok na sa aking propesyon, hindi ako nag-atubiling tulungan siya upang makapag-aral lamang siya, Sabi ko nga, masyado na kaming maraming pinagdaanan para sumuko na lamang. Sa awa ng Diyos, nakatapos siya at ako ang unang taong masayang-masaya para sa kanya. Hindi man madali sa akin, pero kinaya ko ang lahat matulungan lang siya at nagbunga ang lahat ng aming sakripisyo para maitawid ang lahat. Ngunit noong nasa tagumpay na siya, hindi ko inaasahan na magbabago ang lahat. Isang araw sinabi na lang niya sa akin na hindi na niya ako mahal. Noong nasa tagumpay na siya, nakalimutan niya na may ako.” Halos hindi na makakibo ang lahat, tahimik na ring umiiyak ang mga kaklase kong babae, maging ang mga kaklase kong lalaking pinipilit na hindi maapektuhan. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko, tagos sa puso ang lahat ng binitawang salita ng binibini at dagdag pa rito ang basag na boses niya na waring paiyak na habang nagkukuwento.

                    Binasag ng isang katok ang katahimikan sa klase. Agad na pumunta ang binibini at kinuha ang bagay na inaabot sa kanya ng sekyuriti gard. Habang binubuksan niya ang kahon sa kanyang lamesa, paulit-ulit kong naririnig sa aking isipan ang huling salitang binitawan ng binibini, “Nakalimutan niya na may ako.”  Hindi na siguro mapigilan ni Kathryn na maluha-luhang nagtanong, “Binibini, hindi po ba ninyo pinagsisisihan lahat ng ginawa niyo para sa kanya.” Bahagyang inihinto ng binibini ang pagbukas ng kahon, “Hindi, dahil kung ano man ang ginawa ko para  sa kanya, ginawa ko yun dahil mahal na mahal ko siya at lahat yun ay bunga ng aking pagmamahal sa kanya. Malungkot nga lang, dahil ang tagumpay na iyon ang naging dahilan para makalimutan niya ako. Pero, wala akong pinagsisisihan dahil ginawa ko ang lahat para matulungan siyang maabot kung ano man yung mga bagay na minithi niyang abutin.”  binigyan na lamang kami ng isang mapait na ngiti na binibini. “Kahit pa hindi na kaming nag-uusap, masaya na akong maaalala niya ako bilang mabuting tao na minsang nagmahal sa kanya nang sobra,” wika pa niya na sa puntong ito, hindi na mapigilan ang pagbagsak ng kanyang mga luha na agad naman niyang pinahid. “Nasaan na siya ngayon binibini?” nag-aatubiling tanong ni Arthur. Nabuksan na ng binibini ang laman ng kahon at tumambad sa amin ang bestidang puti na parang isusuot kung may ikakasal. Iniangat ng binibini ang bestida, dahilan kung kaya’t nakita naming ang kabuoan nito. Nagwika ang binibini na “Iyon, kababalik niya lang rito sa Pilipinas. Nandito na ang lalaking minahal ko nang sobra. Nandun na siya… ikakasal sa iba, binuo ko siya para sa iba,” pautal-utal na wika ng basag na boses niya. “Nakalimutan niya kasing may ako.” Parang may sumaksak sa aking puso sa mga narinig kong tinuran ng binibini, habang nakatitig sa hawak niyang bistidang pangkasal, napaisip ako bigla. “Minahal ba talaga ng lalaking iyon ang binibini o pinahalagahan lang siya noong panahon na iyon dahil napapakinabangan siya.?” Bago tuluyang isilid ng binibini ang bistida sa kahon, muli niya pa itong tinitigan at nagwika “Napakagandang bestida, pero mas maganda sana kung ako mismo ang magsusuot ng bestidang pangkasal.”


Next