GASERA

Tahimik na ang paligid, wala ka ng maririnig kung hindi ang ingay ng mga kuliglig. Ganito sa nayon, isang larawan ng payak na pamumuhay.  Ikawalo na ng gabi nang matapos ko ang aking mga takdang-aralin at sa tingin ko, hindi na naman ako makatutulog nang maaga kahit pa ilapat ko ang aking katawan sa higaan.…


Tahimik na ang paligid, wala ka ng maririnig kung hindi ang ingay ng mga kuliglig. Ganito sa nayon, isang larawan ng payak na pamumuhay.  Ikawalo na ng gabi nang matapos ko ang aking mga takdang-aralin at sa tingin ko, hindi na naman ako makatutulog nang maaga kahit pa ilapat ko ang aking katawan sa higaan. Yumakap ang malamig na hangin sa akin, waring ipinadala ng langit upang bigyang kapayapaan ang nagugulumihanan kong isipan, Nakatanaw lang ako sa durungawan, puno na ng dilim ang paligid maliban sa maliit na gasera sa aking lamesa na siyang bahagyang nagbibigay ng liwanag sa paligid.

                    May higit isang buwan na lamang at magtatapos na ako sa sekundarya.  Isang Magandang balita ng tagumpay ngunit nakapagdadala rin ng matinding takot sa aking isipan. “Pagkatapos nito? ano ang susunod kong gagawin?” napabuntong hininga na lamang ako at napatitig sa kawalan. Mayroon naman akong pagpipiliian, at kung aking gugustuhin, may madali namang daan para sa akin ngunit pakiramdam ko, hindi talaga ako para dito. Natatanaw ko ang maliliit na kulay berdeng mga liwanag sa bukid. Napakalawak ng bukid, ang buhay na ipinamana ng aking mga lolo at  lola sa aking mga magulang at marahil ang buhay na ipapamana rin nila sa akin. Kung ayaw ko naman manatili sa pagbubungkal ng lupa, maaari naman akong pumunta sa bayan. Maraming pabrika ang nangangailangan ng trabahador o di kaya naman mga babaeng nakapalda at mataas ang takong na nagbabantay sa mga mamahaling paninda sa mga istante. Ngunit, malakas ang pakiramdam ko na hindi lamang ako  para rito.

                    Sa paglalakbay ng aking isipan sa kawalan, may gamugamong pilit na lumalapit sa apoy ng gasera. Naalala kong bigla ang kuwento ng batang gamugamong napamahamak dahil sa katigasan ng kanyang ulo at matinding pagnanais na makalapit sa apoy ng ilawan. “Bakit mo ba gustong lumapit dyan? Mapapahamak ka dyan, masusunog ang iyong pakpak at maaari mong ikamatay.” Hindi pa rin tumitigil sa paglibot sa paligid ng ilawan ang gamugamo. Napangiti na lang ako at nagwikang, “Sabagay, katulad rin ako ng gamugamong ito. Kahit na alam kong maaari kong ikapahamak, dahil sa aking pangarap at matinding pagnanais na mabago ang aking buhay, handa akong suungin ang lahat bagama’t may takot na nadarama.” Maya-maya pa ay nahagip ng sinag ng gasera ang pakpak  ng gamugamo at bahagyang nanghinang lumagapak sa lamesa. Buong akala ko ay namatay ito, ngunit paunti-unti itong kumilos at lumipad papalabas ng durungawan. Tinatanaw ko na lamang sa kawalan ang papalayong gamugamo.

                    Napatitig ako sa sinag ng gasera, “Tama nga, kung hindi natin susubukan, hindi natin malalaman. Kung pupunuin lang natin ng takot ang ating sarili, hindi tayo makararating sa nais nating puntahan. Gaya ng gamugamo, ako lang ang nakaaalam kung hanggang saan ang kaya kong gawin para sa aking mga minimithi. Maaari mang ikapahamak ngunit sa tingin ko, hangga’t may liwanag kang sinusundan hindi ka maliligaw, madapa ka man, makararating ka pa rin sa iyong paroroonan sa tulong ng sipag, tiyaga at ng Poong Maykapal. Kaya’t hintayin moa ko Maynila, paparating na aking pangarap.” Maliwanag ang sinag ng gasera nang gabing iyon, ngunit mas maliwanag ang sinag ng aking pangarap at kinabukasan.