Ako muna. Ano ang unang pumapasok sa isipan mo kapag naririnig mo o nababasa ang salitang ako muna? Kaibigan, marahil ay napaisip ka ngayon kung ano ang nais kong bigyang diin sa aking tanong at kung ano ang nais kong patunayan sa pamamagitan ng mga salitang ito. Hindi ba ito ang mga salitang madalas marinig sa kumpulan ng mga taong may mahalagang pakay sa isang bagay? Nang mga taong makikita mo sa pila. Mga taong nagnanais na laging mauna at ayaw magpahuli. Mga taong hindi nalalayo sa sitwasyon na maibsan lamang ang gutom at uhaw ay hindi na pag uukulan pa ng pansin ang pangangailangan ng iba. Mga taong masasabi kong makasarili, walang inisip kung hindi ang kapakanan lamang ng kanyang sarili.
Umaga ng araw ng lunes nakipagkita ako sa aking kaibigan para tulungan siyang magpaschedule ng kanyang operasyon dahil sa siya ay may sakit na bato sa apdo, hindi naman ganoon kalubha ang kanyang kalagayan nais niya lamang itong agapan. Dumating ako sa takdang oras ng aming pagkikita ngunit wala pa siya kung kaya’t minabuti kong ilakad na ang kanyang magiging rekord para pagdating niya pipila na lamang kami para magpacheck-up. Ganoon na nga ang nangyari pumila ako para sa out patient record, nagfill up ako ng form at doon ay isinulat ko ang kanyang pangalan, edad, tirahan at kanyang karamdaman. Pumila ako pagkatapos kong magfill up ng form. Limang babae na tila may mga anak na ang nasa aking unahan, masugid silang pumila at tila seryoso ang kanilang mga mukha. Maaaring dahil sa haba ng pilang pinagdaanan nila o di kaya’y dahil sa init ng panahon. Kung mapapansin mo mahaba talaga ang naging pila noong araw na yun. Ang iba ay tila ayaw magpasingit. Nakita ko ang isang senior citizen, isang matandang lalaki na malabo ang mata at hindi kalakihan ang hakbang kompara sa normal na lakad ng isang malusog na matanda, sa kabila ng lahat akay-akay siya ng isang batang babae na tila walang alam sa ginagawa ng kanyang lolo. Nang matapos nila ang form para sa record ng isang pasyente, nagtangka ang matanda na pumunta sa harap ng tanggapan ng mga form ngunit hindi siya pinadaan ng mga babaeng nasa aking harapan, at hindi lamang yun nakarinig pa ang maglolo ng mga salita mula sa mga naglalakihang mga babae na “hindi ninyo ba nakikitang may pila”, “doon po kayo sa dulo dahil may pila” at “parang walang mga mata, alam naman na may pila”. Naramdaman ko ang lungkot ng sandaling iyon at napa-isip ako sa nangyari. Kung nangyayari ito sa pangkaraniwang araw ng buhay ng isang tao, paano pa kaya kung ito na mismo ang kinaugalian at kinasanayan ng lipunan. Mula sa itaas at may katungkulan kung pagmamasdan at pagninilaynilayan. Isang alkalde na nagpapakita ng kabutihan sa madla ngunit sa likod ng kanyang isipan, sariling kapakanan din naman ang pinapahalagahan. Nagpapakumbabang kunwari pero ang binibigkas ng mga labi ay tila nagniningas na mga salitang nakakasakit sa damdamin ng kanyang kapwa. Kung sabagay, marami naman ang gumagawa niyan, at hindi na lingid sa nakararami ang ganyang pag-uugali. Gagawa ng mabuti kono pero ang pagnanais naman sa huli ay magkaroon ng ganti ang nagawa niyang mabuti. Tulad na lamang ngayong darating na eleksyon, na pinakahihintay ng bawat Pilipino, marami diyan ang nagpapatutsadahan makamit lamang ang ika nga ay “TAGUMPAY” pero dinaan naman sa pandaraya at mapanirang mga salita. Bakit nga ba ganoon, makamit lamang ang inaasam o nais ng laman gagawin ang lahat kahit pulos kasinungalingan? Bakit kaya may mga taong kahit alam niyang mali ay ginagawa pa rin sa kabila ng pagnanais na matanyag at maging sikat sa larangan ng pagiging bida? Naniniwala akong dito akma ang kasabihang “WALANG MANG-AAPI, KUNG WALANG PAAAPI”. Tunay nga na wala mang digmaan para lumaban, kailangan mo namang makialam. Marami diyan reklamo ng reklamo, hindi naman nakikialam para masolusyonan ang problemang nasa kanilang harapan. Marami diyan puna ng puna, maraming nasasabi, pulos pintas, pulos husga ang laman ng isipan na ang akala nila’y nakabubuti pa ngunit hindi naman. Hindi ba dapat magkaroon ng tunay na pagtutulungan at pagkakaisa na unawain ang bawat pangyayari sangkot ang bawat indibidwal na nangangailangan ng pakialam para may alam? WALANG MANG-AABUSO KUNG WALANG PAAABUSO, kung kaya’t matuto ang bawat indibidwal na makialam at makibahagi sa anumang sitwasyon na ngangailangan ng solusyon. Tunay nga na ang pagbabago ng isang lipunan ay hindi kaya ng pangulo lamang, ng mga senador lamang, ng mga kongresista at tumpok ng mga mamamayang nagwewelga sa kalsada na sumisigaw at humihingi ng pagbabago. Alam mo ba kaibigan, kahit saang anggulo mo tignan ang pagbabago ay magpapakita sa iyo ng tahasan hindi sa gumagawa ng ingay lamang kung hindi sa bawat taong ang laman ng puso at isip ay magkaroon ng TUNAY NA PAGBABAGO at ito ay mula sa pagkatao ng isang EHEMPLO.
EHEMPLO. AKO MISMO! Yan ang dapat na maging tatak ng bawat indibidwal na nagnanais ng tunay na pagbabago. Kung mauunawaan lamang ng bawat magpapahayag ng mga salitang ito, magiging daluyan siya ng mabubuting gawain at pangitain ng kanyang tahanan, ng bayan at ng lipunan. Ang pagiging EHEMPLO ay walang pinipiling edad at kasarian dahil ang pagiging EHEMPLO ay natututunan, naipapasa at higit sa lahat nagagawaan ng paraan, dahil kung gusto maraming paraan at tila huwag mo na ngang hanapin pa ang dahilan upang maiwasan ang bangayan at di pagtutulungan. Bilang isang estudyante marapat lamang na maging EHEMPLO ka bata, dahil nasa iyo ang kalayaan, ang ligat ng kalakasan at kalayaang magpasya. Huwag mong sayangin ang iyong lakas sa panahon ng iyong kabataan para pairalin ang ugaling AKO MUNA, sa halip pagtibayin mo ang pagiging isang EHEMPLO sa loob at labas ng tahanan, paaralan at lipunan bilang isang EHEMPLONG KABATAAN na pag-asa ng bayan.
Bilang isang estudyante mahalin mo ang iyong sariling kapakanang mag-aral, ang iyong kalayaang matuto. Bilang isang estudyante sikapin mong maging EHEMPLO sa paraan na itinatapon mo sa tamang tapunan ang basurang nagbigay lunas sa iyong lalamunan, sinisikap na puntahan ang bawat klase at hindi tumatalon sa bakod para sumama sa mg kinikilalang kumpare na hindi nakatutulong sa maganda mong kinabukasan. Bilang isang anak maging huwaran ka sa iyong mga kapatid sa kabila na hindi perpekto ang iyong mga magulang. Sa kabila na kinukulang ang inyong pangangailangan na umaabot sa sukdulan na kumakalam ang inyong tiyan. Bilang isang kabataan malaya kang manggaya, malaya kang magpasya ngunit ito ang iyong pakatatandaan na kung magkamali ka sa iyong pagpapasya hindi maaaring hindi ka dadalawin ni karma. Kung kaya’t matuto kang mag-isip at magpasya ng tama. Lagi mong isa-isip ang pagiging EHEMPLO na minsan nang itinarak sa iyong puso na naghihintay lamang na pansinin mo at bigyan ng panahon para sa ikabubuti mo at ng nakararami.
Maging EHEMPLO ka kaibigan sa paraang makabubuti sa iyo at sa iyong kapwa. Tama na ang pagiging AKO MUNA dahil wala itong maidudulot na mabuti sa bayan at sa iyong sarili. Ang buhay ng tao ay hindi seryosong dahil lamang sa dumarating na mga pagkakataon kung hindi dahil sa ito ay bunga ng iyong seryosong pagpapasya. Kaibigan, kung ano ang buhay mo ngayon dahil iyan ang pinili mo kahapon. Pag-isipan mong mabuti ang pahayag kong ito, kung nagnanais ka ng pagbabago halina’t magkaisa tayong panghawakan at linangin ang kaugaliang ito na hindi tayo magiging makasarili na tila walang pakialam na sinasambit ng mga labi ay ang salitang “AKO MUNA”, sa halip maging bukambibig natin ang maging EHEMPLO sa isip, salita at sa gawa. Hango sa Biblia, “May mga nauunang mahuhuli, at may mga nahuhuling mauuna”. Tunay nga na hindi lingid sa kaalaman ng Diyos ang lahat ng nangyayari dito sa ibabaw ng lupa.
Ang Diyos ay mabuti at patuloy na hindi nagsasawa sa pagbibigay at pagmamahal. Matuto kang magpasalamat kaibigan, matuto kang matuto at tumawag sa Diyos kung nanlalabo na hindi lamang ang iyong mga mata kung hindi pati na rin ang iyong isipan at nahihirapang magpasya. Walang ibang nagbibigay ng kapayapaan ng puso at isipan kung hindi ang tunay na pananalig sa Diyos na makapangyarihan. Kaibigan, panahon na, oras na para isapamuhay ang lahat ng kapahayagan sa iyong buhay. Hindi aksidente na binabasa mo ito ngayon. Ito ay plano ng Diyos na magkaroon ka ng kaalaman na hindi lamang basta kaalaman kung hindi ito ay isang karunungan na hindi papayag na manatili lamang sa iyong isipan sa halip ang pagnanais ng Diyos ay ibahagi mo ito sa pagiging isang mabuting EHEMPLO AT PATOTOO sa lipunang ginagalawan mo.
Mabuhay ka kaibigan!
MANALIG KA! MANGARAP KA! MAGSUMIKAP KA!
HINDI MAGLALAON
KABUTIHANG GINAWA MO’Y KARANGALAN NG PANGINOON
By: Alfred Castuera Deocareza