Ako si Patient 2828’: Dokumentaryo ni Howie Severino

Tahimik na paligid, nag-iisa sa silid. Marami ang lumalaban, ngunit mag-isang kinakaharap ang sakit. Sa aking napanood na dokumentaryo, ganiyan maaaring ilarawan ang hirap ng sitwasyon ng mga taong tinamaan ng COVID-19; isa sa mga pinakamatinding pangyayaring gumimbal at nagpatigil sa ikot ng ating mundo. Sa dokumentaryo, inilahad ng reporter na si Howie Severino ang…


Tahimik na paligid, nag-iisa sa silid. Marami ang lumalaban, ngunit mag-isang kinakaharap ang sakit. Sa aking napanood na dokumentaryo, ganiyan maaaring ilarawan ang hirap ng sitwasyon ng mga taong tinamaan ng COVID-19; isa sa mga pinakamatinding pangyayaring gumimbal at nagpatigil sa ikot ng ating mundo. Sa dokumentaryo, inilahad ng reporter na si Howie Severino ang kaniyang sariling karanasan bilang si Patient 2828. Mahirap man dahil sa iniindang sakit, pinilit parin niyang ilahad ang kaniyang mga naranasan upang ipakita sa marami ang pinagdaraanan ng bawat pasyenteng nadapuan ng Coronavirus disease.

Gaya ng karamihan, nagsimula lamang ang kaniyang sakit sa ubo at sipon. Upang makasiguro, siya ay agad na nagpa-test at ‘di kalaunan ay lumabas na ang resulta nito; siya ay nagpositibo. Bilang ang COVID-19 ay isang virus, ito ay nakahahawa at nangangailangan ng matinding pag-iingat sa pag-aalaga ng mga pasyente. Ang mga may sakit ay ina-isolate sa kani-kanilang mga silid sa ospital at ipinagbabawal ang dalaw upang maiwasan ang hawahan. Dito pa lamang ay mahirap na sapagkat pakiramdam ng mga pasyente ay nag-iisa lamang sila sa suliraning kanilang kinahaharap. Ipinakita rin sa dokumentaryo ang pahayag ng aktres na si Iza Calzado na tinamaan rin ng virus. Parehong umabot sina Howie at Iza sa puntong akala nila ay mawawala na sila sa mundo dahil sa sobrang sakit at hirap na kanilang nararanasan. Ngunit, hindi sila nagpadaig dito at patuloy na lumaban. Sa kabilang dako, makikita rin sa dokumentaryo ang parteng ginagawa ng mga frontliners. Sila ang nagsisilbing suporta ng mga pasyenteng gaya ni Howie upang malagpasan ang nararanasang dagok at patuloy pang mabuhay. Kahit na may kani-kaniya ring pamilya, isinusugal ng mga doktor, nurse, at iba pang frontliners ang kanilang mga buhay para lamang makatulong sa iba at sa kapwa.

Sa pandemiyang ito, gaya nga ng sabi ni Iza Calzado, marami tayong hindi inaasahang pangyayari. Marami ang nagpabahala, nagpalungkot, at nagpaluha sa atin ngunit sa kabila ng lahat ng ito, tayo ay natuto at patuloy paring natututong magbigay, magmalasakit, at magpahalaga ng mga bagay na madalas ay nalilimutan na nating ipagpasalamat. Ang ating mga pamilya, mga kaibigan, mga mahal sa buhay, at ang ating mismong mga buhay ay ang mga pinakaimportanteng bagay sa lahat. Kung kaya, ang bawat araw na nilalagi natin sa mundong ito ay dapat nating pahalagahan. Ilaan natin ang ating mga natitirang araw upang gawin ang makabubuti at makapagpapasaya sa atin.

By: Jesus F. Apostol | Teacher II |Bataan National High Schooh–SHS |Balanga City, Bataan