Aktibong Alternatibong Edukasyon

  Ayon sa kasabihan, “experience is the best teacher”. At, ang prinsipyong ito ay patuloy na   pinaninidigan ng Alternative Learning System. Sabi nga sa history, mahigit-kumulang dalawang libo at apat na daang taon na ang nakakalipas, itinuro ni Confucius ang mga katagang ito: “Kung ano ang aking narinig, aking nalilimutan… Kung ano ang nakita ko,…


 

Ayon sa kasabihan, “experience is the best teacher”. At, ang prinsipyong ito ay patuloy na   pinaninidigan ng Alternative Learning System. Sabi nga sa history, mahigit-kumulang dalawang libo at apat na daang taon na ang nakakalipas, itinuro ni Confucius ang mga katagang ito: “Kung ano ang aking narinig, aking nalilimutan… Kung ano ang nakita ko, aking natatandaan… Kung ano ang ginawa ko, aking nauunawaan”.

Ang mga isinaad ng pilosopong tsino na si Confucius ay tungkol sa kung gaano ka-epektibo ang karanasan sa pagbuo sa sarili upang maging mabuting tao. Para sa mas lalong ikauunawa o mas ikaiintindi ng tao sa mga bagay-bagay ay dapat na “siya” mismo ang makadama at makaranas sa mga ito. Masasabi nga na “karanasan” ang isang bagay kung mas nagagamit na magkakasangkot ang ating mga pandama o senses, kung saan ang magiging epekto sa ating sentido ay ang permanenteng pagkatuto o lifelong learning. Ang paggamit ng madalas ng mga pandama at pagkonsumo ng enerhiya mula sa mga ito ay magbubunga ng sinasabi nating karunungan (wisdom) , na ang salitang karanasan ay hango sa “aktibong” pakikilahok ng mga tao at kung paano siya natuto sa mga pangyayaring iyon.

            Hinggil sa mga prinsipyong ito, ang Alternative Learning System ay gumagamit ng mga istratehiya patungkol sa Aktibong Pag-aaral o ang tinatawag na Active Learning Strategies para sa mga OSC, OSY at OSA (Out-of-School Children, Youth and Adults). Ang aktibong Pag-aaral (Active Learning) ayon kay Charles Bonwell ay isang istratehiya “na kasangkot ang mga learners sa paggawa at pagbuo ng mga bagay at pag-iisip patungkol sa mga bagay na kanilang ginagawa”. Ito ay ang paglahok o pagsali ng mga mag-aaral sa well-instructed na mga Tanong-sagot na mga aktibidad habang ginagawa ang mga klase o napagkasunduang mga ALS Sessions.   

Inklusyon dito ang pagkukumpara sa mga aktibidad gaya ng “mag-isip, ipares, at ibahagi”. Isinasagawa rin dito ang mga proyekto at mga takdang aralin para sa indibidwal at grupo ng mga learners.

Ang ganitong malawak at iba-ibang paraan ng pagtuturo at istratehiya ay upang matuto at magbigay-tulong sa kabuuang larawan ng pagkakaroon ng malalim na pagkaunawa: mas masaya at atraktibo, mas makahulugan, mas nakakaenganyo at mas epektibong proseso.

May ilang mga istratehiya na ginagamit ng ALS para sa Aktibong Pag-aaral tulad ng mga sumusunod; Demonstration method, Role Playing, Project-based Learning, Dialogue Journals, Case Studies, Brainstorming, Buzz Session, Concept Mapping, Clarification Pauses, Think-Pair-Share, Cooperative Learning at iba pa depende na rin sa pagiging malikhain ng ALS Teacher at sa instruksyon na pinapagawa mula sa ALS Modules.

Ang mga pamamaraan para sa Active Learning ay inspirasyon sa maraming programa at proyekto ng Alternative Learning System gamit ang ALS Curriculum o mas kilala na limang  hibla ng Karunungan o ang 5 Learning Strands. Ang ALS kurikulum ay hango sa kahulugan ng salitang “functional literate person”,  na ang kahulugang operasyonal nito ay “isang indibidwal na may kakayahan sa isang mabisang komunikasyon, nalulutas ang suliranin gamit ang siyentipikong pamamaraan at pagiging malikhain, matalino niyang nagagamit ang mga pinagkukunang-yaman para sa matagalang paggamit at pagiging produktibo at kaya niyang paunlarin ang sarili at ang komunidad kasama ang pagpapalawak ng kanyang pananaw at pagpapahalaga sa mundo.  

Sa paghahalimabawa sa programang Informal Education (InfEd) Program na itinuturing na sistema ng pag-aaral na naglalayon na sanayin at patotohanan  ang indibidwal na  nakuha o tinataglay niya ang kasanayan sa paglikha o pagbuo ng isang partikular na produkto o serbisyo at eksperto siya sa pagbibigay nito. Sa InfEd, ang istratehiyang nababagay para dito ay ang Demonstration o ang presentasyon ng praktikal na pamamaraan o kung paano dapat gawin at ipakita ang kakayanan na ang disenyo ay para ibigay ang malinaw na ilustrayon sa mga prinsipyong teyoretikal o hango sa mga pag-aaral, konsepto at mga kaisipan.

Sa electronics, itinuturo kung paano i-test ang electronic component tulad ng capacitor gamit ang multi-tester, paano ang paghawak, at ang safety precautions para makaiwas sa sakuna.  Epektibo itong istratehiya dahil nakikita ng mga learner ang aktwal na pamamaraang dapat gawin upang  magawa din nila ng aktwal ang isinagawang demonstrasyon.

Sa programang AfLEP o ang Adolescent-friendly Literacy Enhancement-Program ay ginagamitan halos ng lecture method sa mga pagtalakay ng isyu patungkol sa Early-pregnancy, Reproductive Health & Peer Counselling.

Bukod sa mga nabanggit na mga programa at istratehiyang ginagamit sa Aktibong pag-aaral sa ALS, Ang Project-Based Approach, Dialogue Journals, Case Study Projects, Brainstorming, Buzz Sessions, Concept Mapping, Clarification Pauses, Think-pair-share at Cooperative Learning ay ginagamit naman sa pagtuturo sa ialalim ng Accreditation & Equivalency (A&E) Program taglay ang 5 learning strands at sistema ng edukasyon na pumapantay lang (kung hindi man hihigit) sa pormal na edukasyon na ibinibigay ng mga eskwelahan (school).

Sa pangkalahatan patungkol sa Active Learning Strategies ay hindi maaring mawala ang Clarification Pauses kung saan, pagkatapos ng ALS Session, ang mga learners ay may pagkakataon upang magtanong sa Facilitator ukol sa paksang tinatalakay, para sa mga learner upang mas mapalawak pa ang pagkatuto sa aralin at sa Facilitator  upang malaman kung talagang nakikinig ang mga learners.  Ang Cooperative learning na nagbibigay-daan para maranasan ng mga learners ang iba’t ibang papel na kanilang dapat gampanan; ang pakikipagkapwa-tao at pakikisalamuha ay pangunahing kailangan ng tao bilang isang tunay na tao. 

 

By: Junaryz Roger S. Esdicul