“Ang Guro ng Bagong Milenyo”

“Kasabay ng mabilis na paglipas ng oras, nagbabago din ang mga gurong buong husay na pinanday na ng panahon.” Ang pagtuturo ay isang komunikasyon. Ang wastong pakikipagkomunikasyon sa mga mag-aaral ang siyang susi upang makamit nila ang mga kaalamang kanilang dapat matutunan. Sa pakikipagkomunikasyon, hindi lamang natatanggap ng mga mag-aaral ang nais iparating ng kanilang…


“Kasabay ng mabilis na paglipas ng oras, nagbabago din ang mga gurong buong husay na pinanday na ng panahon.”

Ang pagtuturo ay isang komunikasyon. Ang wastong pakikipagkomunikasyon sa mga mag-aaral ang siyang susi upang makamit nila ang mga kaalamang kanilang dapat matutunan. Sa pakikipagkomunikasyon, hindi lamang natatanggap ng mga mag-aaral ang nais iparating ng kanilang guro bagkus iniuugnay niya ito sa kanyang pansariling karanasan. Ngunit hindi rin naman sa lahat ng pagkakataon ay maari nating sabihin na nagbubunga ang guro sa kanyang pagtuturo.

Hindi lingid sa ating kaalaman na napakalaki ng  responsibilidad ng bawat guro saan mang panig ng mundo at lalo na sa mga mag-aaral. Ang guro ang nagsisilbing tulay sa kaalaman ng bawat mag-aaral at ng mga kaalamang magagamit ng mga mag-aaral sa bawat hamon ng buhay.

Sinasabi ni Richards (1992), ang isang epektibong guro ay malikhain. Ang kanyang klase ay masigla, kawili –wili, at laging may bagong gawain. Hindi lamang ang magpunla at magkintal ng impormasyon o prinsipyo ang hangarin, kundi higit sa lahat, ang ninanais ay matulungan ang mag-aaral na mapabuti ang buhay. Dinagdag pa ni Hendricks (1998), nasusukat ang pagiging epektibo ng isang guro sa gawain, kaasalan at saloobin ng kanyang tinuturuan.

Higit na makatutulong sa paglago ng kaalaman at pagkatuto ng mga mag-aaral ay kung mayroon silang isang gurong gagabay sa kanila sa pagkamit ng kanilang mga pangarap. Isang guro na magbibigay sa kanila ng walang katumbas na pagmamahal at pag-aaruga na handang umagapay ng walang hinihinging kapalit. Ang guro ay isang ina, ama, at kapatid sa loob ng ating paaralan o silid- aralan. Ang mga katangiang ito ng guro ang siyang magiging inspirasyon ng bawat mag-aaral upang patuloy nilang tahakin ang landas ng buhay at makapagtapos ng pag-aaral.

Sa pagsusuri nina Wayne at Youngs noong 2003 na isinalin ni Villafuerte (2008), may labindalawang dapat taglayin ang isang guro ngayon.

  1. Walang itinatangi – minamahal ng mga mag –aaral ang guro na pantay – pantay ang pagtingin sa kanila. Lahat ng mag – aaral ay itinuturing niyang pantay – pantay anuman ang kalagayan nito sa lipunan, katangian o hitsura, pamilyang pinagmulan at kahinaan o kalakasan.
  2. May postibong pag – uugali – Lalong tumataas ang tiwala sa sarili ng mga mag –aaral kung ang guro ay nagpapakita ng magandang pag – uugali sa kanila.
  3. May kahandaan – ang gurong may malawak na kaalaman sa paksang itinuturo at ang kakayahan  na ito na iugnay sa iba pang larangan ang paksa ay isang halimbawa  ng mahusay na guro.
  4. May haplos – personal – Madaling madisiplina ng guro ang klaseng malapit sa kaniya. Upang maging malapit ang klase sa guro, nararapat na kilalanin niya nang mabuti ang bawat mag-aral, tawagin sa pangalan, marunong ngumiti, inaalam ang nararamdaman, opinyon at interes ng klase at higit sa lahat, demokratiko.
  5. Masayahin – hindi malilimuta ng mga mag –aaral ang gurong laging may dalang ngiti sa klase. Higit sa lahat, laging matatandaan ang gurong nakakapagpatawa at nagdudulot ng kasiyahan sa gitna ng panahon na nahihirapan o napapahiya na ang isang mag-aaral sa klase.
  6. Malikhain – nakahihikayat sa mabilis na pagkatuto ng mga mag-aaral kung maaliwalas ang silid – aralan. Bida ang gurong may iba’t ibang paraan sa pagganyak upang ihanda ang klase sa gagawing pag –aaral.
  7. Marunong tumggap ng pagkakamali – apektado ang klase kung ang guro ay nagkakamali. Sa pagkakataong ito, mas nagiging modelo ng kababaang loob ang guro kung tinatanggap niya nang buong puso ang nagawa niyang pagkakamali at may sinseridad ang paghingi niya ng paumanhin sa klase.
  8. Mapagpatawad – kalugod – lugod ang guro  na mahaba ang pasensiya. Mabilis niyang naitatama at napaptawad ang pagkakamaling nagawa ng mga mag-aaral. Hindi niya pinepersonal ang mga pagkakamaling nagawa, bagkus ay binibigyan niya ng pagkakataong makapagpaliwanag ang mga mag-aaral.
  9. May respeto – samu’t saring mag-aaral ang nakaksalamuha ng guro sa bawat taon. Sari – saring mga-aaral na may iba’t ibang katangian, abilidad, paniniwala, kahinaan at kalakasan. Minamahal ang gurong marunong gumalang sa mag –aaral. Iniiwasan niyang magbitiw ng masakit na salita, pinagsasabihan niya ang mag-aaral na may nagawang kamalian nang walang nakaririnig. Ang anumang kahinaan ng mga – aaral ay hindi niya gingawan ng anumang katatawanan. Ang gurong may respeto sa mga mag-aaral ay sensitibo sa nararamdaman ng bata (Gutierrez, 2006) .
  10. May mataas na ekspektasyon – kadalasan ang mga mag-aaral ay walang tiwala sa kanilang kakayahan. Kung ang guro ay may paniniwala sa kakayahan ng bawat issa, lalong magiging buo ang hangarin ng mga mag-aaral na makapagtamo ng mataas na marka kaysa inaasahan.
  11. Mapagmahal – Ang gurong maalalahanin ay tunay na kinnalulugdan. Humahanap siya ng pagkakataon upang mabisita ang mga-aaral na nagkaksakit. Binibigyan niya ng tugon ang mga mga-aaral na nahihirapan sa klase at buong puso niyang pinagkakalooban ng pansin. Marunong siyang dumamay sa mga pagkakataong nanlulumo ang mag-aaral.
  12. Ipinadarama na kabilang ang bawat mag-aaral – Sinasabing tunay na kapamilya at kapuso ang guro na nagpapakita ng interes sa bawat mag-aaral. Nagagawan ng paraan ng guro na maging kabilang ang bawat isa sa talakayan. Nabibigyan ng pagkakataon ang bawat isa na makasagot at makabahagi sa mga gawaing pampagkatuto na inihanda ng guro. Kasiya –siya ang gurong nagtataglay ng ganitong mga katangian. Ito ang dahilan kung bakit umuusbong ang bansag na “ My favorite teacher!”.

Sa napakalaking pananagutang ito, nararapat lamang na bigyang pagpapahalaga ang kayang gawin ng bawat guro. Sabi nga ni Papham (1980), malaki ang tungkuling gagampanan ng guro sa pagpapaunlad ng mga kakayahang taglay ng mga mag-aaral. Ang kanyang impluwensiya sa lipunan at sa paghubog ng kakayahan ng mga mga-aaral ay hindi matatawaran kailanman.

By: Jacqueline A. Tasic | Guro sa Filipino| Academy of Queen Mary | Orani, Bataan