“A, E, I, O, U, ba, be, bi, bo, bu” mga tunog at katagang maririnig sa bawat pasilyo ng paaralan. Sa araw- araw na lumilipas, walang gurong hindi humawak ng babasahin upang harapang pagbasahin ang kanyang mag- aaral. Ito man ay salita, parirala, pangungusap o kuwento, nariyan siya upang hasain sa pagbabasa ang kanyang mag- aaral. Sa bawat buklat ng mga pahina ay ang bagong kaalamang nadaragdag sa isipan ng mga ito.
Ang pagbabasa ay isa sa limang makrong kasanayang pangwika na dapat taglayin ng isang mag- aaral. Ito ay ang proseso ng pag- unawa sa mga nakalimbag na tunog at titik na bumubuo sa isang ideyang nais iparating ng may- akda sa mga mambabasa.
Ito ay isang napakahalagang kasanayang nakatutulong hindi lamang sa pang- akademiko at personal na pagkatuto ng isang mag- aaral. Sa akademikong pagkatuto, nalilinang nito ang kognitibong aspeto sa isang mag-aaral katulad ng: napalalawak ang bokabularyo, pang- unawa at kakayahang makapag- isip nang tama. Kung bawat mag- aaral ay makapagbabasa ng iba’t ibang babasahin ay nakakikilala siya ng mga bagong salita at bagong ideya, sa pamamagitan nito lumalawak rin ang kanyang kakayahang pang linggwistika at nalilinang ang kanyang kakayahan sa pakikipagkomunikasyon, pasulat man o pasalita.
At para sa personal na pagkatuto, sa pagbabasa hinahanayaan nito ang bawat mag- aaral na maging malikhain sa kanyang imahinasyon sapagkat sa pagbabasa ay nakararating siya sa iba’t ibang lugar, nakatutuklas ng iba’t ibang kultura, at nakararanasan ng iba’t ibang karanasan. Maraming magkakaibang karakter, pananaw at karanasan ang mababasa na kung saan ay makadaragdag sa pagiging maunawain at mabuti ng isang mag- aaral. Gayundin, ang pagbabasa ay isa sa pinagkukuhanan ng inspirasyon at interes sapagkat sa pagbabasa, nakatutuklas ang mga mag- aaral ng mga bagong paglilibangan, mga bagong pangarap nan ais makamit at mga bagong kagustuhan para sa hinaharap.
Bilang konklusyon, kailangang matutong magbasa ang isang mag- aaral dahil makatutulong ito sa kanya sa maraming bagay, sa madaling sabi, makapangyarihan ang pagbabasa dahil ito ang naghahanda sa atin para sa panghabambuhay na pagkatuto.
By: Czarinah Jeanell G. Anulacion/ Bagong Silang Elementary School|Balanga City Bataan/ May 2023