Nagagalak ka ba na ikaw ay taga- Bataan? Wala yatang hindi nakakaalam o walang hindi makakaalala sa lalawigan ng Bataan. Ang ating lalawigan ay sikat dahil sa tuwing tatalakayin ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa kasaysayan ng Pilipinas hindi maaaring hindi mabanggit ang Martsa ng Kamatayan na nagsimula sa ating lalawigan. Nakilala ang pangyayaring “Ang Pagbagsak ng Bataan” bilang simula ng makasaysayang pang aabuso ng mga Hapon sa panahon na sila ay isang imperyalistang bansa.
Bakit naman kailangang alalahanin ang araw na ito? Ayon sa ilang mga historyador hindi dapat tingnan ito bilang pagkatalo natin sa mga Hapon. Madalas bilang taga Bataan ay nananatili pa din na ang tawag natin sa araw ng Abril 9 ay “Araw ng Bataan”. Ito ay nagsimula ng nilagdaan noong 1961 ni Pangulong Carlos P. Garcia ang R.A 3022 kung saan itinakda ang pag alala at pagpapahalaga sa araw na ito. Ito ay tunay lamang na higit pa na tawaging “Araw ng Bataan”. Kung kayat isang malaking pagdiriwang ang Araw ng Kagitingan para sa mga Pilipino. Kaya nga ito ay hindi lamang araw ng mga taga Bataan. Ito ay araw ng lahat ng Pilipino.
Ang Pagbagsak ng Bataan ay ang simula lamang ng pagpapakita ng mga Pilipino ng kanilang kagitingan at husay sa pakikipaglaban. Ito ay senyales din ng kanilang pagmamahal sa ating bansa at sa ating kalayaan na matagal ng sinikil ng mga dayuhan.Sa kabila ng kanilang mga karanasan ng pang aabuso sa gitna ng Martsa ng Kamatayan mula Bataan patungong San Fernando Pampanga kung saan sila ay sumakay ng tren patungong Camp o’Donnel sa Capas, Tarlac. Sa kanilang paglalakad sa gitna ng katirikan ng araw higit sa lahat ito ay pinagawa pa sa kanila sa panahon ng tag-araw. Sila ay hindi din pinakain at bihira din na painumin. May mga pagkakataon pa na sila ay nakakaranas ng pagbayote o pagpalo ng mga Hapon kapag may mga bagay silang nagagawa na hindi kanaisnais sa mga Hapon tulad ng pagpapakita ng pagod. Habang sakay naman sila ng tren sila ay hindi din nakapagpahinga sapagkat tinatayang ang kapasidad lamang ng tren ay nasa limampung katao ngunit sila ay nasa mahigit 150 na nakasakay dito. Sa sitwasyong ito sa tren sila ay siksikan at nahihirapang makahinga dahil sa kakapusan sa hangin na pumapasok sa loob ng tren. Maging sa kanilang pinagkulungan na mga kampo ay patuloy ang kanilang paghihirap sa sikip ng lugar,sa gutom at pagkalat ng sakit.
Sa kabila ng mga kasamaang kanilang naranasan ay makakaaninag pa din ng mga kwento ng kabayanihan sa Martsa ng Kamatayan tulad ng pagtulong ng mga kapwa nila biktima sa martsa sa pamamagitan ng pag-alalay sa mga kasamahan nilang hindi na talaga makalakad. May mga pangyayari din na kapag sila ay nakakakita ng pagkakataon na makatakas ang kanilang kasamahan sila ay nagtutulungan. Sinasabing hindi lamang ang mga nasa martsa ang nagpamalas ng katapangan at kabayanihan sa panahong ito. May mga kwento din na may mga babaeng nakakasalubong nila sa daan ang nagtatago ng mga biktima sa kanilang mga saya upang hindi makita ng mga Hapon hanggang sa sila ay makalayo at makatakas. May mga ilang sibilyan din na naghahagis ng mga pagkain sa mga biktima ngunit may mga pagkakataon na sila ay nahuhuli at pinapatay din.
Ayon sa mga kilalang historyador at mananaliksik ang mga ilang nakatakas sa Martsa ng Kamatayan ay mga naging bahagi ng mga samahang tinatawag nating gerilya at isa sa pinaka kilalang samahan dito ay ang Hukbong Bayan Laban sa Hapon. Ang mga gerilyang ito ang naging katuwang ng mga amerikano sa kanilang pagbabalik at paghihiganti sa mga Hapon. Ang mga gerilya ang naghanda sa madali at maistratehiyang pagbabalik at pakikipaglaban ng mga amerikano sa mga Hapon. Tayo ay katuwang nila sa pakikipaglaban.
Kung kayat ginawang araw ng walang pasok (o Holiday) ang Abril 9 upang higit nating magunita at mapahalagahan ang bahaging ito ng ating kasaysayan.Ang istoryang ito ng “Pagbagsak ng Bataan” ay higit pa sa pagkatalo at pagsuko ng ating probinsiya dahil ito ay simula lamang ng pagbangon ng mga Pilipino tungo sa ating paglaya bilang bansa.
By: Jasmine C. Alcid | T-I | Limay National High School