Sa iba ang bagong taon ay hudyat ng panibagong buhay, pagkakataon, at pagbabago. Ngunit ang taong 2020 ay taon ng pagdadalamhati, pagsasakripisyo, pagbubuwis-buhay at paghihirap. Ika-17 ng Marso ng ideklara ni Pangulong Duterte ang pagkalahatang pagsasara ng lahat ng establisyemento sa buong Luzon. Ang lahat ay nagimbal, nagpanik, at kani-kaniyang paraan kung paano mabubuhay ang pamilya. Sinira ng taong ito ang pangarap ng lahat. Ang mga paaralan ay tuluyang nagsara at kapalit nito ang makabagong pamamaraan ng pagtuturo sa mga mag-aaral.
Kabilang sa makabagong pamamaraan ng pagtuturo ang tinatawag na “online learning”. Ayon kay Bb. Magi Gunigundo “ang online learning ay gumagamit ng teknolohiya na mag-uugnay at maghaharap sa dalawa, sa pagsasalin ng karunungan at kasanayan sa tagisan at palitan ng kuro-kuro.” Ngunit sa simula pa lamang ng panuruang taon ay marami na ang naging balakid nito lalong-lalo na sa mga mag-aaral na sadyang hirap na hirap sa buhay. Ang paggamit ng modernong teknolohiya ang naging sandigan ng pag-aaral ngunit kalakip nito ang malakas at mabilis na koneksyon. Kapag mabilis ang koneksyon nagiging maganda ang daloy ng talakayan, kabaligtaran naman nito kung minalas-malas dahil sa bagal ng koneksyon. Paminsan pa’y maging ang guro ay nawawalan nito kung kaya’t naaantala ang pagtuturo.
Nagkakaroon man ng mga balakid ay tiyak naman ang pagkatuto ng mga mag-aaral. Pinatutunayan nito ng isang survey na inilathala sa isang journal na “mas natatandaan ng mga mag-aaral ang 25%-60% ng kanilang natutuhan online kumpara sa 8%-10% lang kung sa silid-aralan ito itinuturo. 40%-60% ang nababawas na oras para matutuhan ng bata sa isan aralin sa online learning.” Sa ganitong pagkakataon alam kasi ng mga mag-aaral na maaari nila itong balikan, laktawan at tumungo na sa susunod na konsepto. Ang ganitong paraan ay mas kinahihiligan ng mga mag-aaral kaysa sa loob ng silid-aralan.
Ano man ang maging teknik at istratehiya ng guro, tiyaking may masayang karanasang maaalala ang mga mag-aaral dito. Ang bagong pamamaraan ng pag-aaral ay magsisilbing daan upang ipagpatuloy ng bawat kabataan ang kanilang pangarap na muntik nang agawin ng pandemyang lumalaganap.
By: Rodillio A. Milagrosa Jr.|Teacher I | Olongapo City National HighSchool| Olongapo City