Ang Matematika ng Bagyong Yolanda at ng Pulitika

Matematika – mula sa salitang latin na mathemetika, ito ay ang pag-aaral ng numero, hugis, pagkakasunod sunod at pagkakahambing gamit ang natatanging simbolo. Bagyong Yolanda –  may international name  na Haiyan, tinatayang pinakamalakas na bagyong tumama sa kasaysayan ng kalupaan at kumitil ng mahigit anim na libong buhay at nag-iwan ng kumulang dalawang bilyong dolyar…


Matematika – mula sa salitang latin na mathemetika, ito ay ang pag-aaral ng numero, hugis, pagkakasunod sunod at pagkakahambing gamit ang natatanging simbolo.

Bagyong Yolanda –  may international name  na Haiyan, tinatayang pinakamalakas na bagyong tumama sa kasaysayan ng kalupaan at kumitil ng mahigit anim na libong buhay at nag-iwan ng kumulang dalawang bilyong dolyar na pinsala.

Pulitika – mula sa salitang Latin na politicus na ang ibig sabihin ay mula sa mamamayan. Ito ay ang mga polisiya, batas, at anumang gampanin na makaaapekto sa mga mamamayan. Mga regulasyong para sa tao at galing sa tao.

Matematika. Bagyong Yolanda. Pulitika. Ano pa nga ba ang mas kukomplikado pa sa tatlong ito. Mga aspeto na may kanya kanyang angking komplikasyon at negatibong konotasyon. Subalit, paano kung sa isang natatanging pagkakataon ay mapagsama-sama ang tatlong ito? Maramil ito na nga sinasabing tunay na delubyo.

Climate Change + Global Warming = Super typhoon Yolanda

Nobyembre 8, 2013 – Sino nga bang makakalimot sa araw na ito halos bumura sa mapa ng Samar at Leyte. Ang araw kung kailan tumapak sa kalupaan ng Bisayas ang Bagyong Yolanda na may lakas ng hanging aabot sa 315 kilometer per hour. Isang bagyo na sa sobrang lakas ay nakaya nitong hatakin ang tubig mula sa dagat at ibuhos sa kabahayan o ang tinatawag na storm surge o alon na aabot ng halos anim na metro. Isang napakarahas na bagyo na kumitil ng napakaraming buhay at puminsala ng  bilyung-bilyong halaga ng ari-arian.

            Ayon sa mga eksperto, ang ganitong uri ng bagyo ay isa lamang manipestasyon ng Climate Change o ang pagbabago ng panahon na nakaaapekto sa buong mundo. At asahan pa natin ang mas malalakas pang bagyo sa darating pang panahon. Isang paalalang sa halip na katakutan ay higit na nararapat lamang paghandaan.

            At bilang paigtingin ang panawagang tugunan ang lumalalang kondisyon ng ating klima, si Yeb Saño, ang Pilipinong delegasyon sa 2013 United Nations Climate Change Conference ay nagsagawa ng fasting.

Aniya, “In solidarity with my countrymen who are struggling to find food back home, I will now commence a voluntary fasting for the climate; this means I will voluntarily refrain from eating food during this COP, until a meaningful outcome is in sight.”

Yolanda Victims = (Foreign Pleages + Humanitarian Help)2

                Sa kabilang banda, tulad ng pagbuhos ng masaganang ulan sa kasagsagan ng bagyong Yolanda, ay bumuhos din ang tulong mula sa iba’t ibang sulok ng mundo. Isang pangyayaring tunay na nagpaantig sa pusong makatao sa bawat nilalang sa mundong ibabaw.

            Ayon sa tala ng Figures from the Foreign Aid Transparency Hub (FAiTH), isang government website na siyang nangangasiwa ng donasyon buhat sa ibang bansa, as of December 25, 2013, ang Pilipinas ay nakalikom ng P23.79 billion kung saan P2.80 billion (US$63,417,800) ay cash pledges, samantalang P20.9 billion (US$475,560,233) ay non-cash pledges gaya ng gamot, pagkain, damit at iba pa.

            Isang patunay lamang na sa kabila ng hagupit ng mapaminsalang panahon at pagkakaiba iba ng kultura at paniniwala, ay bukas ang bawat puso ng tao sa mundo na damayan ang simumang sinalanta ng pambihirang dagok ng buhay. Na higit sa lahat ang pinakaimportante ay tao.

Romuladez +  Roxas = War Zone    

            Minsang ng nabansagan na mistulang war zone ang Samar at Leyte dahil sa kakulangan ng presensya awtoridad, idagdag pa ang diumano ay mabagal na usad ng relief and rescue operation. Dahil sa nasabing obserbasyon, hindi naiwasang pintasan ang ating gobyerno.

            Ayon mismo sa ulat ngChicago Tribune, “…some areas were on the brink of anarchy,” o kawalan ng anumang uri ng awtoridad buhat sa gobyerno. Isang bagay na matinding pinabulaanan ni Mar Roxas, Department of Interior and Local Government Secretary. Tinuran niya na kulang na kulang ang mga pulis na tumugon sa kanilang trabaho kaya hindi nakaaksyon kaagad ang gobyerno. Idinagdag pa sa depensa ng gobyerno ay ang nagpabaya ang lokal na pamahalaan sa kanilang tungkulin.

            Isang bagay na matinding pinasubalian ni Tacloban Mayor Alfred Romualdez. Aniya, “I could not understand why I could not get help from the national government, tinanggal pa ang chief of police. I was begging for help, I was willing to give in to anything. We were recovering 60 to 80 bodies a day – even until today – and I wanted additional help for that from the very beginning and we kept begging for more help. In fact, I even asked the President the second time we met.”

            Idinagdag pa niya na ang Pangulong Aquino at Roxas ay namumulitika sa halip na tugunan ang kanyang paghingi ng saklolo. Sa kanilang meeting, inutusan diumano siya ni Roxas na gumawa ng ordinansa na pumapayag ang lokal na pamahalaan ng Tacloban na ipaubaya sa national government ang relief and rescue operation sa Tacloban.

            At ng busisiin ni Romualdez kung bakit, ang naging pahayag diumano ni Roxas ay: “You have to remember, we have to be very careful because you are a Romualdez and the President is an Aquino.”

            Isang paglilinaw na si Romualdez ay pamangkin ni Imelda Marcos na nagmula sa angkang kalabang mortal ng Aquino na nag-ugat sa usaping pulitika.

            Sa kabilang dako, matinding tinututulan ni Roxas ang naging pahayag ni Romualdez gayundin ang lumalabas na video na naglalaman ng kanilang naging pag-uusap. Winika niya na, “The “edited” video is misleading and malicious, and the Romualdez camp released the video to cover up the mayor’s own shortcomings.”

            Hindi kaya sa tindi ng turuan, bangayan, at sisihan ay mabiting nakatiwarik ang mga Pilipino na sa halip tulungang makabangon ay nagmistulang basing sisiw na naiipit sa dalawang nag-uumpugang bato?

***

            Sa huli, masasabing pinagsakloban ng langit at lupa ang mga nabiktima ng bagyong Yolanda, subalit hindi ba’t isang uri din ng pagkitil sa kanilang buhay at karapatan ang maipit sa mas nakamamatay na hagupit ng pulitika?

            Huwag naman sana sapagkat sa dulo ng laban, silang mga dukha ang mananatiling talunan.

            Magkaroon naman nawa ang mga pinagpala ng kahit konting habag, at kahit man lang sa isang saglit ay iwaglit ang usaping pulitikal. At sa kabila ng iniwang dagok ng bagyong Yolanda, ay matutunan sana nating pahalagahan ang pinakaimportante sa lahat, at iyon ay ang BUHAY NG TAO.

            Mabuhay tayo, Pilipino! 

By: April Joy E. Borja