Ang Mga Memorya ng Mobile Teacher

Bilang isang bata na namulat sa programang MMK o “Maala-ala Mo Kaya”, ang artikulong ito ay masasabi kong nalapat na parang liham para kay Ms. Charo Santos-Concio, at hindi pala madaling humugot ng kwento mula sa ating mga ala-ala. Na napakahirap tukuyin mula sa ating memorya ang istorya na ipapahayag natin. Ngunit kung ating pagsusumikapan…


Bilang isang bata na namulat sa programang MMK o “Maala-ala Mo Kaya”, ang artikulong ito ay masasabi kong nalapat na parang liham para kay Ms. Charo Santos-Concio, at hindi pala madaling humugot ng kwento mula sa ating mga ala-ala. Na napakahirap tukuyin mula sa ating memorya ang istorya na ipapahayag natin. Ngunit kung ating pagsusumikapan ay hahantong tayo kung ano ba ang nilalaman ng ating puso.

Ang mga karanasan sa aking kamusmusan ay hindi naging balanse sapagkat  sa palagay ko ay mas maraming negatibo kaysa sa mga positibong insidente.

Masasabi kong hindi ako tipikal na bata noong panahon ko at hindi masarap sa pakiramdam kapag hindi ka kabilang sa isang grupo o ang mga kaklase mo ay tinutukso ka o ayaw kang isali sa laro ang pakiramdam mo ay parang katapusan na ng mundo. Ngunit kapag positibo ang pananaw mo at mayroon kang kapayapaan, ang lahat ng iyon ay parang masamang panahon lang na lumilipas.

Hindi ko malilimutan nang ako’y nagsisimula pa lang sa ALS. Sa loob ng mahigit na labing dalawang taon na pananatili ko dito, marami akong  natutunan na mga aral sa buhay. Malayong malayo ito sa itinuturo ng eskwelahan at unibersidad. Mula sa mga pamamaraan, materyales, reperensya at lugar, ito ay ibang iba sa pormal na sistema. Hindi lahat ng karunungan para mabuhay ay sa paaralan lang makukuha. May mag karanasan at kaalaman sa labas ng paaralan na siyang magtututro sa isang indibiduwal na maipasa at makalampas sa mga pagsubok at hamon ng buhay. Inaamin ko na nahirapan akong gampanan ang pagiging mobile teacher lalo na sa unang taon ko dito.

Bilang isang mobile teacher, nakita at nadama ko ang tunay na sitwasyon ng komunidad. Hindi ko akalain na sa iba’t ibang dahilan ay nawawalan ng pagkakataon ang tao na makapag-aral at makapagtapos ng pag-aaral. Hindi pumasok sa aking isipan na madudurog ang puso ko kapag ikinuwento na sa iyo ang mga kronolohiya ng mga tao sa mga lugar na malayo sa kabayanan. Ang kanilang sakripisyo at sakit, ang mga daing ng kahirapan at mga pagsisisi. Masakit tanggapin na limitado ang kakayanan ko para matulungan silang lahat. Ang ALS ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na makita ang kabilang mukha ng mga kabataan at katandaan na nawalan ng pagkakataong matapos ang kanilang pag aaral. At, sa maliit na paraan ay makatulong din naman ako sa kanila kahit papaano.

Mula sa pagsisiyasat sa komunidad na hindi biro ang gastos at preparasyon. Ang mga delikadong sitwasyon tulad ng mga lasing at mga asong kalye na aming maingkuwentro habang isinasagawa ito. Ang makita ang bisa ng Functional Literacy Test sa pagsukat o pag-asses ng literacy level ng mga Out-of-School Children, Youth at Adult na nagpapatotoo sa problema ng tradisyonal na sistema sa kalidad ng edukasyon halimbawa ng isang ALS learner na nakapagtapos sa third year hayskul at halos matatapos na sa fourth year ay hindi pa nakakapagsulat ng wastong pangungusap at uutal-utal pa sa pagsagot ng simpleng tanong na, “Kailan ang iyong kapanganakan?”. 

Ang karangalan na makilala at makausap ang iba’t-ibang uri ng tao at mai-mapa ang isang komunidad o barangay. Ang mga ito ay isang karanasan na di makukuha sa mga propesyon sa kolehiyo. Wala talagang hihigit sa karanasan kapag ikaw ay tinuruan nito. Ang mga propesyonal na makikilala mo sa komunidad at maipakilala sa kanila ang mga programa ng ALS at pagkatapos ay itatanong sa ‘yo, “Board passer ka ba? Bakit hindi ka sa school nagtuturo?” na mistulang ang interpretasyon nila sa akin ay isang mababang uri o di kwalipikadong guro para sa pormal na sistema at wala na akong pagpipilian kaya nasa ALS ako at nakikihalubilo sa mga tao ng komunidad.

Nasa komunidad at sa mga tao nito makukuha ang mahalagang karunungan. Ang maramdaman ang tunay-na-buhay bilang tao. Na kung saan ikaw mismo ang bababa sa kanila upang ibahagi ang alam mo at samantalahin ang pagkakataong malaman din sa kanila ang mga nalalaman nila mula sa mga karanasan at kasanayang meron sila. Ang maintindihan na kahit makuha ko pa ang pinakamataas na pinag-aralan o titulo ng karunungan at posisyon sa lipunan ay hindi nito mapapawalang-halaga ang edad at karanasan ng mga karaniwang tao sa komunidad kahit hindi sila nakatapos ng elementarya at sekondarya. Na kahit isang saglit ay maging ikaw sila, maramdaman mo kung paano maging sila. Mula sa mga kuwento ng mga tao sa labas ng paaralan at makasalamuha sila sa mismong mga lugar na kanilang ginagalawan ay eksklusibong pagkakataon na kung saan ay matuto kang rumespeto para sa lahat ng uri ng tao. Ang empatiya ay isang kalakasang dapat mataglay ng isang tao lalo na bilang isang mobile teacher. Magbibigay ito sa isang indibidwal na makibahagi sa damdamin ng kanilang kapwa.

Sa ALS, araw-araw ay ibat’t-ibang sitwasyon ng buhay ang kakaharapin mo. Mga problema at mga balakid na kailangan mo pakibagayan na sa isang minuto ay maaaring nariyan na. Mula sa pakikisalamuha sa mga tao hanggang sa mga gastos, paltos at injuries sa mga pag-akyat sa bundok. Ang masubok ang tapang mo kapag bigla ay lumakas ang mga alon habang naglalakbay ka sakay ng bangka. Ang mabasa ka at mabasa ng ulan ang mga modules at iba mo pang gamit kapag inabutan ka ng malakas na ulan sa daan. Ilan lamang ito sa masasabing sakit at sakripisyo ng mga Mobile Teachers. Yung hindi mo na nais magturo pagdating sa lugar dahil sa pagod ka na ngunit nandiyan ang mga naghihintay sa’yo at kailangan mong gawin ang tungkulin mo. Mahirap sapagkat karaniwan ay nag-iisa akong lumalakad ngunit nakagagalak sa puso kapag akin itong napagtatagumpayan. Mahal ko ang mga learners, sila ang nagbibigay sa akin ng karera at inspirasyon. Ang mapasaya ko sila at paglingkuran sila ay isang gawad ng pag-asa para ipagpatuloy ko ang paglalakbay ko sa paglilingkod sa komunidad kasama ang ALS.

Sigurado akong hindi ako habang panahon magsisilbi bilang ALS Teacher dahil darating ang oras ng pagtanda at di ko na kakayanin ang umakyat pa sa mga bundok subalit ito ay mananatili sa aking puso. Ang mga pinakamagandang tanawin at lugar ng Mariveles na aking napuntahan ay hindi ko maaaring kalimutan lalo na ang mga taong nakahalubilo at nakilala ko dito. Ang pag-abot sa mga ALS Program ng mga ginang o maybahay na dating mahirap ngunit kinikilala sa Mariveles sapagkat nagtagumpay sa kanilang mga negosyo at yumaman. Sa kabila ng kalagayang hindi sila nakagradweyt at malaman mong simula pa noon ay kahirapan na ang isa sa dahilan kaya hindi nakakatapos ng pag-aaral ang tao. Na nagpapakita na anumang kalagayan nila sa ngayon at mayaman pa sila ay edukasyon pa rin ang bubusog sa kanilang mga pangarap at pangangailangan. Ang sabihin nila na balak nilang makapag-aral din sa kolehiyo at kumuha ng kurso kahit may edad na sila at napagtapos na nila sa kolehiyo ang kanilang mga anak. Ang mga ito ang nagbibigay ng inspirasyon sa akin na bigyan sila ng atensiyon at paglingkuran.

Ang mga pagpunta sa Upper Biaan Aeta Site at nakatalaga ang pag aaral ng mga katutubo ay kami ang nagsimula at ngayon ay Pormal na Paaralan na. Ang maging pangunahing bahagi ako sa Language Validation ng Magbukun kasama ang mga katutubo ay isang biyaya para sa akin sapagkat ako mismo ang kaharap ng mga piling Indigenous People noon. Ilan ito sa mga nasaksihan ko na hindi ko makakalimutan.

Sa ALS, maipagmamalaki mo ang mga hirap mo. Makikita mo ng malinaw ang biyaya ng mga nagawa mo, hindi sa mga kasamahan mo o sa mga bosing kundi sa Diyos na Siyang nakatingin sa lahat ng ating ginagawa. Aking patotohanan na ang mga pagod at hirap ko’y di hinahayaan ng Panginoon. Maihahayag ko ang pagtulong Niya sa akin sa pamamagitan ng mga maliit at malaking bagay na ibinigay Niya at nalalaman ko sa sarili ko na ako’y disiplinado at alam Niya na ako ay gumagawa may nakakakita man o wala.

Ako’y naniniwala na sa paglalaan ko ng aking lakas, kabataan at sa patuloy ko pang paglilingkod sa pamamagitan ng ALS, malaki pa ang magagawa ko para sa mga learners at komunidad. Mula sa kanila, maibabahagi nila sa akin ang mga bagong karunungan na dapat ko pang tuklasin. Mga kaalamang magagamit para malampasan ang mga stress at problema sa buhay. Ang kagalakan ng mga magulang dahil nakapasa ang kanilang anak ay di ko kayang maipaliwanag na kasiyahan. Kung ako ay mamamatay at mabibigyan ng pagkakataon na muling mabuhay, pipiliin ko pa ring maging isang mobile teacher

By: Junaryz Roger S. Esdicul