Ako ay isang kabataan sa Pilipinas isinilang
Ipinagmamalaki bansang aking sinilangan
Mayaman sa kultura, tradisyon at kaugalian
Idagdag pa rito mga karunungang-bayan.
Salawikain, kasabihan, maging bugtungan man
Kailanman, hindi nawawala sa mga usapan
Mga sandata at gabay sa pamumuhay
Ng mga Pilipinong may lahing marangal.
Habang binabagtas ko ang buhay kabataan
Masasayang bugtungan aking natutuklasan,
Nagsisilbing libangan at nagpapatalas ng isipan
Sa mga katulad kong uhaw sa karunungan.
Minsan kong narinig wika ni lolo’t lola
Pinangangaralan butihing ama’t ina
“Kung ano ang puno gayon din ang bunga”
Isang paalaala sa anak na sinisinta.
Sa paglakad ng panahon, marami ang nagbabago
Ang dating panuntunan ay unti-unting naglalaho,
Ito’y napapalitan ng makabagong instrumento
Maraming Pilipino, sadyang natatangay sa uso.
Kaya nga’t kaibigan, ako ngayo’y nananawagan,
Bakit hindi natin ibalik ang ating nakagisnan,
Halina’t muling tuklasin natatagong kaisipan
Ng mga karunungang- bayang gabay sa araw-araw
na paglalakbay.
By: Kim Howell M. Gutierrez | Teache I | Olongapo City National Highschool | OLongapo City