Wala na raw yatang hihigit na dakila,
Sa propesyong ito na aking ginagawa.
Tawag ng Maykapal, ito raw ay tadhana,
Isang bokasyong babago, sa bawat bata.
Guro, Propesor, Titser, Maestro o Maestra man,
Respeto’t dignidad, sami’y nakapangalan.
Ano’t- ano pa man ang inyong katawagan,
Kasipaga’t galling ay ‘di matatawaran.
Ang guro nga nama’y tambak sa mga gawain,
Naghahanda ng eksami’t banghay- aralin.
Mga riport at papeles pinapasa namin,
Huwag lamang masisira sa trabaho namin.
Bilang isang guro, akin nang napagtanto,
Kaakibat nito’y pagsasakripisyo.
Pansariling hangari’y isinasantabi ko,
Alang- alang sa mga batang dapat na matuto.
Ako’y GURO! Propesyong mahal na mahal ko,
Iaalay lamang, de- kalidad na pagtuturo.
Sa sinumpaang tungkulin ako ay nangako,
Maglilingkod ako sa Sambayanang Pilipino!
By: Mr. Rodolfo N. Ariola Jr. | SPED Teacher I | Cabcaben Elementary School | Mariveles, Bataan