Naniniwala ka ba o hindi sa kasabihang “Past is past”? Ikaw ba yung tipo ng tao na ayaw ng balikan ang mga bagay o pangyayari na nakalipas na dahil ayaw mo ng balikan at nais ng kalimutan ang sakit at pait na idinulot nito sa iyo? Sa kabilang banda, dapat mong malaman na walang nakaraan ang hindi nagbibigay ng aral sa ating buhay maging sa buhay ng ibang tao maganda man o hindi ang nasabing nakaraan. Ngunit ano nga ba ang magandang maidudulot ng pagsariwa natin sa ating nakalipas? sa bahagi ng kasaysayan ng ating buhay?
Ang salitang kasaysayan ay ang salinwika ng salitang Ingles na History na nagmula naman sa salitang Griyego na “ historia” na ang ibig sabihin ay “pag-uusisa at pagsisiyasat”. Sa medaling salita … ang kasaysayan ay isang sangay ng kaalaman na kung saan pinag-aaralan ang ibat-ibang pangyayaring naganap sa buhay ng tao, mga bansa, at daigdig noong mga nakalipas na panahon.
Sa pag-aaral ng kasaysayan, hindi lamang ang mga nakaraan , kundi sa kung paano nito naapektuhan, naaapektuhan at maaapektuhan ang ating kasalukuyan at kung paano tayo makakaiwas sa mga hindi kanais-nais na kaganapan sa hinaharap. Gayundin ang ating mga personal na kasaysayan ay may mga aral na hatid na magsisilbing gabay sa ating pamumuhay sa kasalukuyan at sa darating pang panahon. Hindi naman puro masalimuot ang bahagi ng ating kasaysayan kung kaya’t pinag-aaralan din nito ang pagpapanatili sa mga bagay na may kinalaman sa magagandang kaganapan noon. Saklaw din nito kung paano mananatiling buhay sa isipan ng mga tao ang mga masasayang bahagi ng kasaysayan upang maipagmalaki , maipagbunyi at magsilbing inspirasyon sa makabagong henerasyon at maging sa darating pang panahon. Maliban sa mga nakalipas na pangyayari, tinatalakay din ng kasaysayan ang pinagmulan ng istruktura ng ating lipunan, pamahalaan at ang pag-usbong ng kultura.
Tunay ngang masasabi kong ang pag-aaral ng kasaysayan ay may napakalaking saysay sa ating mga buhay at pagkatao. Lahat ng bagay sa ating daigdig na ginagalawan mula sa kalawakan, sistemang solar, mga kontinente, mga bansang kinabibilangan, sa ibat-ibang likas na yaman hanggang sa ating mga sarili ay may kanya-kanyang pinagmulan. Tulad rin ito ng kasaysayan…may pinagmulan, pamamaraan at batayan.
By: Pia Moran G. Mangahas Teacher III / MNHS – Cabcaben Cabcaben, Mariveles , Bataan