PINAG-IBAYO ang napakaraming suliranin na nagpapahirap sa Philippine educational system at sa mga taong nagsisilbi sa loob ng kagawaran sa tuwing nagbubukas ang mga klase sa lahat ng paaralan sa buong bansa.
Matatandaang ilang araw matapos ang school opening noong Hunyo ay may ilang grupo ng mga public school teachers na nagsadya sa DepEd main office sa Pasig upang idulog ang kanilang mga hinaing sa matataas na opisyal ng nasabing kagawaran at ipaalaala sa mga ito na silang mga guro ay tao lamang at hindi mga kalabaw. Sa kanilang pakikipagdayalogo, kanilang idinaing ang di masolusyunang mga problema na kanilang hinaharap tuwing pasukan at dagdag dito ang sa palagay nila’y kawalan ng kaukulang paghahanda sa pagpapatupad ng K- 12 Basic Education. Iba pa dito ang tila parusang probisyon nang pagkakaroon ng “ dalawahang klase o tig- anim na oras na diretsong pagtuturo” sa bawat klase na may 60 –70 estudyante sa halip na yung ideyal na 35 lamang.
Pinagbigyan ni DepEd Secretary Armin Luistro ang hamon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list Representative Antonio Tinio na personal na bisitahin ang ilan sa mga pampublikong paaralan upang personal niyang Makita ang nakakahambal na sitwasyon ng mga ito. Kanyang binisita ang Batasan Hills National High School kung saan ang mga mag –aaral ay may bilang na 90 bawat klase , at ikinumpara sa Payatas B. Elementary School, parehong nasa Lungsod ng Quezon, na wala naming kuryente at tubig, dagdag na suliranin sa kakulangan ng mga silid-aralan, upuan at mga guro ng mga ito. Ayon sa mga natanggap na ulat ng Kagawaran, mayroong 7,000 paaralan ang walang tubig, 9,000 ang walang kuryente at 4, 000 pa ang walang tubig at kuryente sa buong kapuluan.
Lagi nang itinataya ng mga paaralan at mga guro ang kanilang dedikasyon, pagiging mapamaraan at kooprasyon upang masolusyunan ang lahat. Upang mapunan ang kakulangan ng mga upuan, mesa at mga learning materials, mayroong 2-shifts (day and afternoon) na klase bawat silid-aralan. Ang pagkakaroon ng higit sa tamang bilang ng mga mag-aaral bawat klase ang nagging solusyon sa kawalan ng mga school supplies. Kung ang paaralan ay walang koneksyon ng tubig at kuryente, hindi na pinapansin ang kawalan ng lab equipment at mga art classes. Masuswerte pa rin ang mayroong mga computer units, kahit luma na.
Sa ganitong sitwasyon, ang pagdadagdag sa budget allocation, napapanahong pagpapahusay sa kurikula at pagbabago sa pamamalakad ng Department of Education ang makakatugon sa makabagong pangangailangan ng mga mag-aaral. Ang pagpapatupad ng tamang Sistema sa alokasyon ng pondo ang magbibigay daan upang maka-agapay ang mga rehiyong tulad ng Mindanao at ng Visayan Islands sa mga mauunlad na rehiyon tulad ng Central Luzon at ang iba pang rehiyon sa Katagalugan.
Sana ‘y maipatupad na nang maayos ang pagtataas ng pasuweldo at dagdag prebilehiyo para sa mga guro upang tumaas ang kanilang mga moral. Ang pagtaas ng suweldo ay magbibigay ng oportunidad sa mga guro na lumahok sa mga advanced trainings at seminars na magtataas ng antas sa kanilang pagtuturo. Laking tulong din ito sa mga gurong nanggagagaling sa sariling mga bulsa ang perang pambili ng kanilang gamit sa pagtuturo at iba pang materyales na dapat ay galling sa kagawaran. Hindi ba’t kaya nahihikayat mangibang-bansa ang napakaraming guro ay dahil sa taas ng mga pasuweldo at benipisyo para sa pamilya na kanilang makukuha?
Sana’y marami pang miyembro ng pribadong sector ang mag- abot ng tulong at ibayong benipisyo para sa mga mahihirap na mag-aaral. Malaking bagay ang aktibong partisipasyon ng mga PTAs sa bawat paaralan, kung ibabase sa mga donasyon na makapagpapabuti sa kalagayan ng mga mag-aaral habang sila’y nasa loob ng paaralan. Bukod sa mga tulong at scholarships na galling sa ating pamahalaan, sana’y madagdagan pa ang bilang ng mga non-profit organizations, tulad ng SM Foundation at Megaworld, na ginagawang adbokasya ang paghahatid ng libreng edukasyon sa matatalino ngunit mahihirap sa buhay na mag-aaral.
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang educational system sa Pilipinas ay isa sa may pinakamababang antas ng standards kumpara sa ibang bansa sa kasalukuyan? Sa Singapore, ang mga mag-aaral sa elementarya at high school ay mayroon ng information technology, creative thinking at lifelong education. Ang College Math at Science sa Pilipinas ay mga pang-elementary school subjects lamang sa South Korea at Japan.
Subalit nang ianunsyo ni Pangulong Aquino na isa sa mga pngunahing agenda ng kanyang pamamahala ay ang deukasyon at ang pagtataas ng standards nito, nabuhayan ng loo bang mga Filipino lalo na ang nasa sector ng edukasyon. Ngayon, mahigit isang taon matapos ang eleksyon, nandito na ang K-12 o ang pagdadagdag ng 2 taon sa dating 10 taong education track. Ngunit nakahanda ba tayo?
Ang napakalaking bilang ng mga nakatapos ng pag aaral sa kolehiyo ngunit walang mahanap na trabaho na akma sa kanilang tinapos na kurso ay tulad ng pagharap sa isang blanking pader. Kungmagagamit lang ng maayos ang mga trained personnel na ito ay malaking tulong sa ating economic development. Ang plano ng Pangulong Aquino na maibalik ang mga vocational at technical schools para sa mga high –school graduates ay maaeing isa sa mga solusyon. Pangalawa ay ang pag-aatas sa mga industry groups na may kakayahang magsanay at maghasa sa ating mga high school graduates sa mas malawak na kaalaman.
Isang panalangin ang sabay sabay na namumutawi sa mga labi ng mga gurosa lahat ng paaralang pampubliko- sana’y mabigyang solusyon na ang suliranin sa kagawaran, mapa-pondo man o hindi, upang makamit na natin ang lahat ng pagbabago tungo sa magandang kalidad ng edukasyon ayon sa paningin ni Panulong Aquino.
By: LORENA M. NAVATA | T-III | LIMAY NATIONAL HIGH SCHOOL | LIMAY, BATAAN