Sa isang malayong lugar, may matandang mandirigma na nagngangalang Matatag. Kilala siya sa kanyang katalinuhan at malalim na pag-unawa sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa edukasyon. Bagamat may kahawig siyang katauhan ng isang guro, ang kanyang pagkatao ay puno ng misteryo.
Sa kanyang kamay ay may hawak siyang espada na may dalawang talim. Ang mga talim ay simbolo ng magkaibang pwersa ng karunungan na hindi madaling unawain ng karamihan.
Isang gabi, may isang bagong guro na naglakbay patungo sa lugar ni Matatag upang hingin ang kanyang gabay. Malayo sa siyudad, siya ay naglakbay nang matagal at may kasamang pagod at pag-aalinlangan. Ngunit ang kanyang pangarap na maging isang matalinong guro ay mas malakas kaysa sa kanyang nahahapong katawan.
Sa wakas, natagpuan niya si Matatag na nakaupo sa ilalim ng puno. “Ginoong Matatag,” ang guro ay malugod na bumati. “Ako po ay nagsusumikap na maging isang mahusay na guro. Kayo po ba ay maaaring magbahagi ng inyong mga aral sa akin?”, tanong ng bagong guro.
“Maupo ka at makinig nang mabuti,” sabi ni Matatag. “Ang espada na aking hawak ay simbolo ng dalawang mukha ng karunungan: ang kaalaman at ang pag-unawa.”
“Ang unang talim ng espada ay kumakatawan sa kaalaman. Ito ay ang pangunahing sandata ng bawat guro at mag-aaral. Kapag tayo’y tumutuklas ng mga katotohanan, mga konsepto, at mga teorya, nakakamit natin ang talim na ito. Subalit ang kaalaman na ito ay walang saysay kung hindi natin ito nauunawaan at napapahalagahan”, sabi ni Matatag.
“Ang kaalaman ay makapangyarihan, ngunit ito ay dapat gamitin nang may pag-iingat at malasakit,” paliwanag ni Matatag. “Huwag kang magkakaroon ng makitid na pag-iisip, sapagkat ang panganib na maging isang hamak na tagapagturo na nagpapakalat lamang ng mga impormasyon na hindi nauunawaan ng mga mag-aaral ay tunay na malaking kapahamakan”, pagpapatuloy ni Matatag.
“Ang ikalawang talim naman ay simbolo ng pag-unawa. Ito ay mas malalim at mas matigas na talim na nagbibigay-daan sa atin na bigyang-kahulugan at paggamit sa kaalaman. Ang pag-unawa ay naglalagay ng konteksto, koneksyon, at kahulugan sa bawat aral at karanasan. Hindi sapat ang magkaroon lamang ng kaalaman, kinakailangan itong bigyan ng kahulugan at mailapat sa tunay na buhay,” dagdag pa ni Matatag. “Ang pag-unawa ay nagbibigay sa atin ng kakayahang mag-isip nang malalim, magtulungan, at magkaroon ng kritisismo sa mga impormasyong nakakalat sa paligid.”
“Habang binabata ko ang dalawang talim na ito, naiintindihan ko na ang tunay na kalakasan ay nasa pagkakaroon ng balanse,” paliwanag ni Matatag. “Ang kahinaan ng marami ay nakatutok lamang sa isa sa dalawang talim – maaaring sobrang higitan ng kaalaman o labis na pag-unawang pumipigil sa kanilang pagtanggap ng bago. Ang tunay na kahusayan ay nasa paggamit ng dalawang talim nang magkasabay”, pagtatapos ni Matatag.
Ang bagong guro ay nag-isip at sinabi, “Ginoong Matatag, ako po ay lubusang nagpapasalamat sa inyong mga aral. Ito ay nagbigay-liwanag sa akin at nagbukas ng aking mga mata sa kahalagahan ng tunay na edukasyon. Mula ngayon, aking pangangalagaan ang dalawang talim na ito at palalaguin ang kanilang kalakasan sa bawat yugto ng aking pagtuturo.”
Sa pag-alab ng buwan at mga bituin, ang matandang mandirigma ay ngumiti at sinabing, “Nakatitiyak akong ikaw ay magiging isang magilas at matalinong espada ng edukasyon, at sa iyong mga kamay nakasalalay ang kinabukasan ng mga bagong sibol ng iyong lahi.”
At mula noon, ang bagong guro ay nagtungo sa masalimuot na mundo ng edukasyon na may dalawang talim na handa niyang ipunin at ipakita sa lahat ng kanyang maaaring maabot. Ang kanyang mga hakbang ay pumanig sa landas na nagtataglay ng kaalaman at pag-unawa – isang kampeon ng edukasyon at pagbabago.
By: JOVELYN GABRIEL-DINGLASAN|TEACHER II|Olongapo City National High School|Olongapo City