Ano sa palagay mo?

    Sabado ng hapon, kagigising ko lang mula sa pagkakatulog ng tanghali, kasalukuyan ko pang binubuhay ang aking isip ng bigla kong maisip ang magsulat. Subukan ko kaya ang matagal ko ng gustong gawin. Bilang sagot sa tanong na ito sa aking sarili,  agad akong humarap sa aking computer at huminga nang malalim, nagsimulang…


 

  Sabado ng hapon, kagigising ko lang mula sa pagkakatulog ng tanghali, kasalukuyan ko pang binubuhay ang aking isip ng bigla kong maisip ang magsulat. Subukan ko kaya ang matagal ko ng gustong gawin. Bilang sagot sa tanong na ito sa aking sarili,  agad akong humarap sa aking computer at huminga nang malalim, nagsimulang tumipa ang aking mga daliri sa keyboard at eto na, isang bagong libangan na matagal ko nang nais gawin ngunit, di ko maituloy dahil sa takot ko kung magagawa ko ba talaga ito ng maayos. “ Thank you Lord, ginagawa ko na talaga siya. Ang aking unang piyesa sa larangan ng pagsusulat.”

     Mahirap pala talaga sa umpisa, ang hirap mag-isip kung ano ang isusulat ko, tungkol saan, ano ang dapat na paraan ng pagsusulat, pati grammar at spelling pinoproblema ko din. Pati ang pagtipa ko sa mga letra ng mga salita eh mali mali dahil sa kasanayan ko sa pagte-text gamit ang cell phone. Pero pag naisip ko na ang magiging pakiramdam ko pag nakatapos ako ng isang piyesa eh lumalakas ang loob ko at ramdam ko ang excitement na gawin ito.

     Sa totoo lang wala talaga akong pundasyon sa larangan ng pagsusulat. Maliban sa isang subject nung nag-aaral pa ako ng high school sa Bataan Heroes Memorial College. Ang sulatin naming noon sa Pilipino, tanda ko pa ang mukha ni Rizal sa front cover ng aming journal. Siyanga pala may high school pa noon sa BHMC ngayon lang uli nabalik, kaso hindi ko naman sineryoso dahil ang paborito kong subject noon ay AP at PE. Kung pwede nga lang daanin sa basketball at takbuhan ang pagsusulat eh baka matagal na akong isang Bagani sa larangan ng pagsusulat. Pero di ba masarap din isipin kahit hindi mo talaga linya ang isang bagay at alam mong mahirap eh magawa mo ito dahil nasa puso mo ang pagkagusto rito?

     At eto na nga mukhang nakaisa na ako. Wala pang masyadong laman pero sa tingin ko naisulat ko na rito ang aking gustong sabihin, ang matagal ko nang gustong gawin, ang makapagsulat ng isang maikling kuwento. At napakasaya ko dahil ito ay nagawa ko. Teka ano nga ba ang magandang titulo ng aking unang piyesa? Hmmm…Ano sa palagay mo?

 

By: Jose Mari R. de Leon | Teacher III | Bataan National High School | Balanga, Bataan