Hindi pa man nabibigyang linaw ang isinususog na pagbabalik gamit sa baybayin (isang kinagisnang pamamaraan sa pagsulat) bilang aralin sa paaralan ay naging mainit din ang pagtalakay sa napabalitang posibleng pag-aalis ng Wikang Filipino at Panitikan bilang asignatura sa pag-aaral sa mga kolehiyo ng bansa.
Sa gitna ng mga pangyayari, lalo pang tumaas ang agam-agam ng mapabalita na kinatigan ng desisyon ng Korte Suprema ang naulat na pag-aalis ng asignaturang nabanggit. Bunsod nito, hindi maiaalis na magtanong ang ilan sa kung ano dahilan ng pag-alis ng Wikang Filipino at Panitikan bilang tampok na asignatura sa mataas na antas ng pag-aaral.
Hindi lingid sa ating mga Pilipino na maraming diyalekto ang patuloy at kasalukuyang ginagamit sa iba’t-ibang rehiyon ng Plipinas. Sa isang pananaw, ang Wikang Filipino at ang mayamang panitikan na napapaloob dito ay nananatiling kayaman ng kultura na itinatangi ng sambayanan. Bilang kinagisnang wika ng bansa, ito dapat ang pinag-uukulan ng pagpapahalaga at pagmamahal. Maging sa pandaigdigang larangan, itinuturing ang ating wika bilang isa sa pinakamayaman sa kaniyang kasarian.
Malawak at malalim ang kahalagahan ng pagkakaroon ng wika ang isang bansa. Mauugat ang pagdaloy nito sa araw-araw na pamumuhay simula pa sa mga nagdaang panahon at henerasyon magpahanggang sa kasalukuyan. Tulad sa liwanag, ang Wikang Filipino ay may malaking bahagi sa deka-dekadang pagpapalago ng kaalaman sa larangan ng edukasyon. Ito rin ang naging daan sa pag-usbong ng panitikang naglarawan at naghatid sa ating kultura sa iba’t ibang lugar sa daigdig. Kasama na rito ang likas na halina ng awitin at musikang Filipino. Maging sa kasarinlan ng bansa, ang wikang ito rin ay nagsisilbing tanglaw sa daan ng ating kalayaan.
Sa pagliban at pagpapalit ng panahon, isang matimtimang dalangin ang nais sanang ipahatid. Bilang paggalang sa pagiging Pilipino nawa ay hindi tuluyang mawala ang pagkilala sa Wikang Filipino. Sapagkat kung magkakagayon ay wala tayong iniwan sa isang bansang nahubaran na rin ng pagkilala sa sarili.
By: Ms. Geraldine A. Noval | Teacher II | Bataan National HIgh School | Balanga City, Bataan