Nakakasawa na ang mga balitang araw – araw kong naririnig at napapanood sa radyo at telebisyon. Tila wala nang katapusan ang kasalukuyang impyernong kinasasadlakan ng lahat sa ngayon. Hindi na nga yata talaga matatapos ang pandemyang ito.
Halos tatlong taon na ang tinatawag nilang bagong normal na siyang nagpapatakbo sa bagong buhay ng bawat isa sa paligid. Bago rin ang mga salitang naririnig ko, face shield, face mask, swab test at ang pinakatumatak sa isipan ko ang ONLINE CLASS.
Lahat ngayon ay may online na kalakip sa gawain, online sabong, online tong-its at ang online class.
Ang online class tulad ng sabong at tongits ay isang sugal na talaga namang itataya ang lahat masiguro lamang na may kapupuntahan ito.
Tulad ng estudyante kong si Maria na itinaya at ginagawa ang lahat para lamang palagiang maka-attend sa lahat ng online classes niya at masigurong makakapagpasa siya ng lahat ng requirements para siya ay makapasa.
Si Maria, tulad ng lahat ay biktima rin ng pandemya. Ayon sa kanya nang minsan siyang magkuwento sa akin, nawalan ang kanyang tatay ng trabaho dahil nalugi ang kompanyang pinagtatrabahuhan nito. Ang kanyang ina ay may maliit na tindahan -na siyang pinagkukunan nila ng panggastos ngayon pero siyempre hindi pa rin iyon sumasapat kaya pinasok ni Maria ang online selling.
Nagtitinda si Maria ng sabon, mga ukay na damit at ang kinikita niya ay ipinandadagdag niya sa pantustos sa kanyang pag-aaral.
“Hindi ka ba nahihirapan, anak?” Ang minsang tanong ko sa kanya nang magkakwentuhan kami nang araw na iyong naabutan niya ako sa eskwelahan.
“Mahirap maam. Lahat po tayo ay biktima ng pandemyang ito pero kung lulugmok ako at maghihintay lalong walang mangyayari sa buhay ko.”
Sa puntong iyon ay nakilala ko ang mumunting pag-asang nakita ko sa mata ni Maria. Hindi nga naman madali ang buhay ng lahat ngayon – lalo na sa tulad niyang nag- aaral na at nagtatrabaho pa – ngunit mas maiging maniwala pa rin sa pag-asang matatagpuan sa ating sarili sa gitna ng kadilimang nararanasan ng lahat ngayon.
By: Ms. Ghecela Marie Chris Garcia | Teacher I | Bataan National High School | Balang City, Bataan