Bagong termino sa makabagong panahon: Bagong normal. Dalawang salitang kalakip ang lahat ng pagbabago hindi lamang sa nasasakop ng ating mga mata kundi sa buong mundo. Tila na nawalan ng saysay lahat ng bagay na natutuhan ng lahat nitong mga nakraang taon o dekada dahil sa pagtuntong ng bagong normal, lahat ng pinaniniwalaan at alam nating totoo ay nagbago.
Bilang isang guro, ramdam na ramdam ko ang pagbabagong ito sa sektor ng edukasyon. Biglang nawala ang nakasanayang face to face classes. Ang dating maingay na eskwelahan na punong – puno ng mga masasayahing estudyante ay biglang nawalan ng tao. Ang lahat ay obligadong manatili sa kani – kanilang bahay, walang nakaalam ng sagot sa tanong ng lahat; PAANO NA? SAAN TAYO MAGSISIMULA?
Nasagot ang mga katanungang ito ilang panahon ang lumipas, ang ibinigay na sagot ay ang dalawang salitang punong – puno ng pagbabago, bagong termino, bago sa pandinig, bago sa lahat.
BAGONG NORMAL. Bagong normal na tumakot sa lahat sa mga unang pagkakataon, bagong normal na kailangan pakisamahan, hindi lamang ng mga magulang, estudyante o mga guro kundi ng buong sektor ng edukasyon. Bigla ay kailangan matutuhan ng lahat ng guro, magulang, mag-aaral ang paggamit ng makabagong paraan sa pag-aaral at pagtuturo, biglang kailangan ng bawat mag-aaral ng gadget na tutulong sa kanilang pagkatuto. Si Ma’am na hirap sa paggamit ng laptop ay kailangang maging eksperto dahil sa kanya nakasalalay ang pagkatuto ng halos limampung bata sa isang klase.
Napakalaki ng epekto ng salitang BAGONG NORMAL para sa lahat, ngunit anupaman ang ibato sa atin ng mundo, kahit anong pandemya pa iyan, bilang isang guro ay kakayanin ang lahat para sa bata, para sa bayan.
By: Jennylyn S. Ramos