BALIK TANAW SA NAKARAAN

  “Lumilipas ang panahon Kabiyak ng ating gunita Ang mga puno’t halaman Bakit kailangang lumisan?” “Pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ng kahapon?” Sa paglipas ng maraming dekada tuluyan nang binago ng panahon ang  mundo pati na rin ang pananaw at saloobin ng tao. Ang  bawat isa ay walang humpay, walang pahinga sa paghahanap maabot lang…


 

“Lumilipas ang panahon
Kabiyak ng ating gunita
Ang mga puno’t halaman
Bakit kailangang lumisan?”

“Pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ng kahapon?”

Sa paglipas ng maraming dekada tuluyan nang binago ng panahon ang  mundo pati na rin ang pananaw at saloobin ng tao. Ang  bawat isa ay walang humpay, walang pahinga sa paghahanap maabot lang ang pinakamataas na antas ng pamumuhay. Mapusok, malikhain at uhaw sa mga bagong kaalaman at pangangailangan. Kalakip ng mabilis na pag-unlad dala ng makabagong pananaw tila natatakpan na ang masayang ala-ala ng kahapon.

Masasalamin sa bawat pangyayari kung gaano na kalayo ang ating paglalakbay. Sa bawat pagsulong ng buhay nalilimot na rin natin ang mga bagay na minsan ay ating kinagiliwan, katulad ng isang trumpo na minsan ay umikot  sa ating nakaraan. Masaya nating napagmasdan na mula sa kapirasong tali at sa inukit na sanga ng kahoy ay nagdulot na ito ng kasiyahan sa mga kabataan. Makabago na nga ang panahon sa ngayon dahil sa teknolohiya at makabagong pamamaraan na ang nagpapaikot sa ating buhay. Pumukaw din at nagbalik sa aking ala-ala ang matataas na puno na minsan ay aking inakyatan na napalitan na ng matataas na gusali na simbolo ng kaunlaran. Kasabay ng pagsulong ng kaunlaran ay ang pagkawala ng mga puno’t  halaman, mga sariwang bulaklak na nagbibigay kulay sa kapaligiran.

Sadyang napakalaki na ng agwat ng noon at ngayon. Dati ay malaya tayong makapaglaro ng habulan sa mga bukirin at mga bakuran. Sa paglipas ng taon ay unti-unting naglalaho ang mga malalawak na palayan habang patuloy naman na umuusbong ang mga establisimentong nagiging sentro ng komersiyo. Ang pagsapit ng gabi ay inaasam dahil malayang nalalaro ang taguan sa ilalalim ng buwan kahit alam nating tayo ay pagagalitan ng ating mga magulang. Siguro nga ito na ang makabagong panahon na ang pagpatak ng dilim ay tanda ng ibayong pag-iingat sa may mapagsamantalang hangarin. Sa paglipas ba ng panahon kasabay ng marangyang pamumuhay ay tuloy-tuloy din ba nating malilimot ang lumang kaugalian at padadaig sa pansariling interes at paghahangad?

Ang ala-ala ng kahapon ay kabiyak na ng ating gunita. Sa paglipas ng panahon hindi sana natin malimot ang  mga aral at kasanayang dulot ng nakaraan. Ang kahapon ay parte ng ngayon at ang ngayon ay magiging parte ng bukas. Nasa makabagong yugto man tayo ng pamumuhay, patuloy man tayong maghangad at mangarap, hindi ito sapat upang hindi magbalik tanaw sa lumang kaugalian at kasanayan.

Marahil masasabi nating maswerte pa rin tayo dahil naranasan natin ang ilang bagay na hindi na natin nababakas sa kasalukuyan. “Pana-panahon ang pagkakataon maibabalik ba ang kahapon?” – sabi nga sa awitin ni Noel Cabangon, “sa huli patungo lang din tayo sa iisang Kanlungan”.

 

By: Jayson V. Masamoc| Administrative Aide IV Bataan National High School| Balanga, Bataan