Idilat ang mga mata, buksan ang mga tainga upang making, at talasan ang pakiramdam at pag-iisip. Sa ganitong paraan ay tinuturuan tayo ng asignaturang Araling Panlipunan na tuklasin ang mga pangyayari sa nakaraan at maiugnay ito sa mga pangyayari ngayon sa lipunan.
Ang mga kaalamang natutunan sa Araling Panlipunan ay mahalaga sa paghahanda bilang isang mabuting mamamayan. Nakatutulong ito upang mas maging aktibo sa paglahok sa mga gawaing panlipunan at maging bahagi ng pagbabago sa ating bayan.
Ang asignaturang Araling Panlipunan ay higit pa sa isang simpleng asignatura lamang. Ito ay tila isang tulay na nag-uugnay sa atin at sa kasaysayan. Ngunit sa paglipas ng panahon ay tila nababalewala na ang ating pinagmulan, napapabayaan at kinatatamaran ng pag-aralan ang kahalagahan ng nakaraan. Ang mga aralin ay mahalaga dahil nagsisilbi rin itong susi sa pagkaunawa ng ating sarili at makilala ang ating identidad.