Kay tagal sating ipinakita ang kagalingan ng mga bayani na tila ba napaka perpekto nila kaya sila nahirang na mga bayani. Ngunit kung ating lilimilimiin sila ay tao lang din na may kanya kanyang kahinaan ngunit sa kabila nito ay napagtagumapayan ang sarili kaya nakapaghatid ng tagumpay sa bayan. Tulad na lamang ni Rizal, kay sarap palang aralin ng kwento nya ng panahong sya ay immature pa. Makikita ang kanyang kalungkutan, kasiyahan at kung papaano nya hinamon ang kanyang sarili upang makamit ang kanyang nais. Isang tunay na huwaran para sa ating mga kabataan. Ipinakita nya ang kahalagahan ng edukasyon, ang paglilimi sa mga bagay bagay, ang itama ang mga maling nagawa, at gamitin ang natutunan na hubugin ka sa pinaka mainam na pagkatao. Ngunit higit itong napagtibay dahil may isang Padre Sanchez ang naniwala sa kanyang kakayahan at nagpakita kay Rizal ng tunay na pagmamalasakit at pagmamahal. Bilang guro ako ay nangangarap ng maraming Rizal sa mga makabagong henerasyon at bilang parte nito nais kong tumayo bilang Padre Sanchez sa kanilang buhay.
Tumungo naman tayo sa isang persona na kinilala nating bayani sa matagal na panahon, binigyan ng mataas na pagkilala at itinanghal pang unang pangulo ng Pilipinas, si Emilio Aguinaldo. Nakalulungkot isipin na sa panahon ng himagsikan, hindi lamang mga mananakop ang iyong kalaban ngunit higit pala ang iyong kababayan. Kay raming buhay ang nasayang, dahil sa inuna ang sariling kapakanan lamang. Na tila hindi tumimo sa kanya ang mga naka sulat sa kartilya ng mga katipunero. Isang samahan na nag papakita ng katapatan, pakikiisa, pagmamahal sa bayan na handing magbuwis ng buhay.
Nasayang lamang ang buhay ng isang mahusay na lider, si Andres Bonifacio ang tunay na unang Pangulo ng Pilipinas. Nasundan pa ito ng isa pang karumaldumal na krimen, sa pagpatay sa isang mahusay na heneral, Heneral Antonio Luna. Kilala sa pagiging magagalitin ngunit di mapapantayan ang tapang at katapatan sa sariling bayan.
Kanino nararapat ang tunay na pagkilala? Sino ang tunay na nag sakripisyo? Sino ang higit na nagmahal sa bayan? Marapat lang na malaman ito ng bawat Pilipino, ang ganda at ang kapangitan ng ating kasaysayan upang mamulat ang mamayan sa katotohanan at kilalanin kung sino nga ba ang tatawaging TUNAY na BAYANI.
By: Rose-Ann Marie R. Manalili | Teacher III | Bataan National High School