Ang lahat ay may ngiting namumutawi,
Bawat pook may mga paslit na bawi,
Panahon man ay umulan o umaraw,
Tiyak ang mga gala ay umaapaw.
Ngunit biglang nagbago ang dating araw,
Pandemya’y kumalat at umalingasaw,
Buong mundo’y natakot at nagulantang,
Dala ng Covid-19 tiyak lulutang.
Habang nararanasang kulong sa tahanan,
higa at upo problema’y nadagdagan,
dumating sa punto’y pamilya nag-away,
may magkasintahan tuloy naghiwalay.
Gutom at hirap tunay na naramdaman,
nawalan ng trabaho’t pangkabuhayan,
maraming Pilipino nagbuwis-buhay,
matulungan lang ang nag-aagaw buhay.
Pero teka nga ano itong ambagan?
Mga Pilipino na nagmamahalan,
Nagkakapit-bisig at nagsipag-alay,
Mayaman o mahirap ay nagbigay.
Sa halip na magdamot, tulong nagdagsaan,
mga damit, pagkain at kaperahan,
sa ngangailangan ay naihatid,
pati nasa malayo ay nakabatid.
Nasadlak ng minsan babangon ika nga,
bakuna’y darating, tayo’y humanda na,
bagong tao’y may pag-asang dala-dala,
muling aahon at tunay na sisigla.
Kaya’t habang tayo ay nabubuhay pa,
aral ng Maykapal ay napagtanto na,
maging masaya sa lahat ng araw,
pagmamahalan ang dapat mangibabaw.
By: Rodillio A. Milagrosa Jr.|Teacher I | Olongapo City National HighSchool| Olongapo City