BINHI NG PAG-ASA SA GITNA NG PANDEMYA

Ang Pilipinas ay mayaman sa anyong lupa at anyong tubig. Patunay na isa ang pagsasaka sa pangunahing kabuhayan ng marami sa ating mga Pilipino. Sa katunayan, kung babalikan ang kasaysayan ay isa ang ating bansa noon sa may pinakamasiglang agrikultura. Tayo rin ang nagturo sa ilang bansa ng mga pamamaraan sa pagtatanim. Marami rin sa…


Ang Pilipinas ay mayaman sa anyong lupa at anyong tubig. Patunay na isa ang pagsasaka sa pangunahing kabuhayan ng marami sa ating mga Pilipino. Sa katunayan, kung babalikan ang kasaysayan ay isa ang ating bansa noon sa may pinakamasiglang agrikultura. Tayo rin ang nagturo sa ilang bansa ng mga pamamaraan sa pagtatanim. Marami rin sa ating mga kababayan ang talaga namang mahihilig sa pagkain ng kanin, gulay at root crops. Kalabisan ngang sabihin na ang mga Pilipino ay hindi mabubuhay kung wala nito sa pang araw-araw lalo na ang kanin na parte na ng kultura ng ating bansa magmula pa noon.

      Ngunit nang magsimula ang pagpasok ng pandemya sa bansa ay nagsimula na rin ang pagdating ng mga dagok para sa ating mga magsasaka. Marami sa kanila ang lubhang umaaray sa matumal na benta ng mga palay at ilang mga pananim. Katwiran nila ang mahigpit na protocols ngayong pandemic sa pagbebenta ng mga produktong ani at pagluluwas nito, maging ang kakulangan sa makinaryang kanilang ginagamit. Ito ay ilan lamang sa mga kadahilan kung bakit nagkakaroon ng problema sa pagbawi sa kanilang kapital at patuloy na pagkalugi.

       Kung magpapatuloy ang ganitong sistema, marami sa mga magsasaka ang malulugi at mawawalan ng hanap-buhay. Dagdag pa na hindi naman lahat sila ay nabibigyan di umano ng ayuda para sa magsasaka mula sa gobyerno. “Mahirap gumalaw, may pandemya. Sana tulungan tayong maliliit,” nasambit na lamang ni Cabrera, isang magsasaka noong kapanayamin siya ng GMA News nito lamang Agosto ng kasalukuyang panahon. Patuloy pa ring umaasa ang mga magsasakang kagaya ni Cabrera sa darating na tulong pinasyal para sa kanila sa gitna ng pandemyang hatid ng Covid-19 ngayon. Malaki ang maitutulong nito sa kanila sa pagtustos sa pang araw-araw na pangangailangan at sa pangkain.

     Bukod sa ayuda, isa marahil sa epektibong solusyon ng problema sa matumal na benta ng agrikultura sa Pilipinas ay ang pansamantalang pagtigil sa pag iimport ng mga produktong pang agrikultura ng banyaga sa ating bansa. Sa ganitong mga pagkakataon natin dapat ipinapakita ang pagsuporta natin sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtangkilik o pagpapasigla ng local farming kaysa  tangkilikin ang sa iba. Isa pa, dapat na simulan ang paglulunsad ng ilang programa ukol sa pagtulong sa ating mga magsasaka gaya halimbawa ng pagbibigay ng mga libreng binhi para sa pagtatanim at pagpapalit ng mga ginagamit na makina sa pagsasaka.

     Bilang Pililino, maari rin nating gampanan ang ating parte sa pagtulong sa ating mga kababayang magsasaka at pagpapaunlad ng ating akrikultura sa pamamagitan ng pagtangkilik nito. Hindi rin naman nahuhuli ang mga produkto natin kung ikukumpara sa kalidad ng produkto ng ibang bansa. Ngangailangan lamang ng malakas na pwersa ng bayanihan, pagsuporta at pagtutulungan galing sa atin upang mas mapaigting ito.

By: Gng. Ma. Rica E. Adriano | Teacher II | BNHS-Senior Highschool | Balanga CIty, Bataan