Pasukan na naman! Ang bawat magulang ay naghahanda na upang maibili ng mga gamit ang kanilang mag anak. Tapos na ang masayang bakasyon at balik paaralan na naman ang mga mag-aaral at mga guro. Pero, teka muna. Ano ba ang naghihintay sa pagsapit na pasukan?
Brigada Eskwela na naman! Ano nga ba ang Brigada Eskwela at sa tuwing magpapasukan ay naririnig natin ito? Ang Brigada Eskwela ay isang programa ng Kawanihan ng Edukasyon upang ihanda ang paaralan sa pagpasok ng mga bata.
Dito isinasagawa ang pagtutulungan ng mga mag-aaral, magulang, gruo, komunidad at ng iba’t-ibang sangay ng gobyerno upang maging maganda at maayos ang bawat paaralan na magsisilbing pangalawang tahanan ng ating mga anak. Ang lahat ay nagsasama-sama at tulung-tulong upang malinis, maisaayos ang mga sirang bangko, bubong, gripo ng bawat paaralan. Nagkakaroon din ng pagtatanim ng mga halaman.
Ang bayanihan ang siyang lubos na ipinapakita at namamalas sa tuwing ganitong panahon. Ang bawat isa ay nagnanais na tumulong at makilahok sa ikabubuti ng paaralan na siyang nagsisilbing instrumento upang ang bawat bata ay matutong bumasa at sumulat. Ito ang siyang nagiging gabay ng mga mag-aaral na magsumikap upang may marating na magandan hinaharap.
By: IRIC R. GERALDEZ | Master Teacher-I | Sampaloc Elementary School | Morong, Bataan