Buhay Bayani

                              Ano ba ang pamantayan ng pagiging bayani? Paano ka mabibilang sa kanila? Bilang isang guro hindi biro ang aming karerang napili pagkat mula sa pagdidisiplina pa lamang ng mga bata; hanggang sa mapudpod na ang aming dila tuwing ipapaalala namin…


                              Ano ba ang pamantayan ng pagiging bayani? Paano ka mabibilang sa kanila? Bilang isang guro hindi biro ang aming karerang napili pagkat mula sa pagdidisiplina pa lamang ng mga bata; hanggang sa mapudpod na ang aming dila tuwing ipapaalala namin sa kanila ang kahalagahan ng pag susunog ng kanilang mga kilay ay pawang parte na ng aming pang araw-araw na gawain.

              Tila paggising pa lamang sa umaga kaakibat na namin ang pagkilos ng maagap, upang maagang makarating sa takdang oras sa paaralan sa kabila ng puyat ng nakalipas na magdamag dahil  balot ka ng pagod sa paggawa mo ng iyong banghay aralin upang kinabukasa’y handa ka sa pagharap ng panibagong hamon sa pagtuturo. Ngunit sadya yatang mapaglaro ang oras, dahil heto na ang gabundok na trabahong dapat mong tapusin bago ka abutan ng takdang araw ng pasahan.

               Bilang isang guro sa bagong panahon may mga pagkakataong dinadaan na lamang ang mga ganitong oras sa masayang paggawa na pawang positibo lamang ang ‘yong iisipin sa kabila ng gabundok na trabahong iniatang sayo. Sama-samang paggawa, makabuluhang palitan ng opinyon kasama ang iyong mga kaibigang guro rin na handang tumulong at gumabay sa’yo sa mga bagay na di ka parin pamilyar sa iyong trabaho.Ang mga guro ang bagong bayani ngayon sapagkat, tila araw-araw sa aming buhay kami’y mistulang nasa gitna ng pakikibaka o digmaan na tanging ang maiisip mo na lamang ay sumulong dahil kailanman ang pagtalikod sa bayan ay nangangahulugan ng pagbalewala sa aming tungkuling sinumpaan. Chalk, pisara, eraser, lapis, ballpen, class record atbp ay ilan lamang sa aming mga pang araw-araw na sandata sa pagharap ng hamong ipinagkaloob ng aming tungkuling kailanma’y naging hamak at payak sa mata ng ibang mamamayan.

                Sa mga balikat namin naka-atang ang paghubog sa katauhan ng isang mag-aaral. Simula sa pagbahagi ng kaalaman hanggang sa pagganap ng pagiging pangalawang magulang ay malinaw na patunay ng nag-uumapaw na kabutihan ng mga gurong Pilipino. Ngunit nakalulungkot isipin na marami pa rin sa aming hanay ang nananatiling hirap sa buhay dahil sa pagkabaon sa utang o dili kaya’y pagkakaroon ng mababang sahod. Datapwat di lang sa pagtaas ng sweldo masusukat ang importansya o halaga ng isang guro, sa halip sa pag-aalay namin ng panahon sa bayan, pagmamahal sa kapwa at paninindigang ang bukas ay magiging matayog sapagkat nasa kamay namin ang kapalaran ng bayan.

                Kailangan bang barilin ka muna sa Luneta o gumamit ng tabak para ipaglaban ang ‘yong paninindigan bilang isang Pilipino, para masabing bayani ka? Maraming guro ang naglilingkod sa bayan ng tapat, handang magsakripisyo sa kabila ng hirap na kanilang pinagdaraanan. Mga bagay na maikukumpara at taglay din ng isang bayani noong unang panahon, na kahit pa ang sariling pamilya o kaligayahan na ang itaya ay handa paring maglingkod kay JUAN DELA CRUZ na aming tanging pinagsisilbihan. Kahanga-hanga talaga ang mga gurong Pilipino dahil sa kabila ng mga kakulangan sa suporta mula sa gobyerno buo pa rin sa kanila ang paninilbihan sa Inang bayan kaysa ang mangibang bansa upang doo’y hanapin ang kanilang kapalaran. Maging ang patuloy na pangarap na maiangat ang kalidad ng edukasyon tungo sa maayos at maunlad na pamumuhay ng mga mamamayan ng ating bansa ay patuloy na nag-aalab sa aming mga puso.

                Kaya nararapat lamang na bigyan ng pinakamataas na parangal, respeto at pagtingin ang mga gurong Pilipino na handang baguhin ang bayan tungo sa ikauunlad ng pamumuhay at solusyunan na rin ang kahirapang matagal ng pumapatay sa pangarap ni Juan. Nawa ‘y bukas, masulyapan na ng bawat pamilyang Pilipino ang pagbabago sa antas ng kanilang pamumuhay at magkaroon na ng paglago sa kanilang naipunlang karunungan simula ng matuto silang bumasa, sumulat at mag ABAKADA sa tulong nina “Ma’am at Sir” na pawang bayaning handang ialay ang sarili para sa bayan.

By: Edjel C. Fabian | T-I | BNHS