Buhay ng Panday

Huwarang guro sa paaralan, pangalawang ina sa silid-aralan. Inyong sandigan sa lungkot at kasiyahan. Inyo ring malalapitan mapa-aralin man o pansariling problema. Ugat  ng iba’t ibang propesyon  tulad ng inhinyero, doctor, abogado, artitekto at iba pa.             Isang malaking hamon ang aking hinarap noong pinasok ko ang propesyon ng pagtuturo. Halos buong buhay ko ay…


Huwarang guro sa paaralan, pangalawang ina sa silid-aralan. Inyong sandigan sa lungkot at kasiyahan. Inyo ring malalapitan mapa-aralin man o pansariling problema. Ugat  ng iba’t ibang propesyon  tulad ng inhinyero, doctor, abogado, artitekto at iba pa.

            Isang malaking hamon ang aking hinarap noong pinasok ko ang propesyon ng pagtuturo. Halos buong buhay ko ay nakalaan na para dito. Nandiyan yung mapupuyat ka kaharap ang Lesson Plan, mawawalan ka ng tinta kakasulat para sa mga Visual Aid, mauubusan ka ng pasensiya sa tigas ng ulo ng mga estudyante at darating sa puntong gusto mo nang bumitiw sa pangakong aking sinumpaan ngunit laging kumakatok ang aking konsensiya at nagtatanong “Paano na ang hinaharap nila at ng bayan kung ikaw ay susuko” kaya naman hanggang ngayon ay patuloy akong naninindigan at tumatayo sa harap ng silid- aralan upang magbahagi pa at humubog ng isang buhay.

            Sa aking pagtuturo, ang edukasyon at Mag-aaral ay maihahalintulad ko sa isang apoy at kandila. Apoy na nagbibigay ng liwanag at tanglaw sa bawat buhay ng mga mag-aaral. Apoy na nagbibigay ng init upang lalong hamunin ang mag-aaral na abutin ang matayog na pangarap. Apoy na pumapaso sa nanlalamig at namimirming kahirapan ng Buhay. At Kandila na naglalarawan sa mga Kabataan na matibay na tumatayo upang labanan lahat ng problema at kung iyong sisindihan ng apoy na nagtataglay ng siksik, liglig at umaapaw na karunungan ay magniningning  at magliliwanag sa buong bayan at sa kanyang buhay.

            Bawat araw iba’t ibang mukha ng pag-uugali ang aking nakakasalamuha. Nandiyan yung mabait at tahimik, maingay at magulo, mga wirdo at may sariling mundo, estudyanteng nasa paaralan di lamang upang mag-aral kung hindi ay magkaroon din ng bagong pamilya, kaibigan at katuwang sa problema’t aralin. Mga mag-aaral na matulungin at malapit sa mga guro na laging nandiyan upang pagsilbihan at palitan ang mga malasakit na kanilang natanggap sa amin. Ilan lamang iyan sa mga bagay na nagpapa-igting at nagpapainit ng aking adhikaing lalo pang mang-engganyo at maghikayat ng mga kabataang pakahalagahan at pakagustuhin ang pag-aaral.

            Nakakatuwa ring isipin na nagkaroon tayo ng programa mula sa Pamahalaan ang K to 12 kung saan mabibigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magkaroon ng magagandang trabaho pagkatapos ng kanilang Senior High Senior kahit hindi na sila umapak sa Kolehiyo kung dahil hindi na sila kayang suportahan ng kanilang mga magulang. Hindi kagaya noon bago ka magkaroon ng magandang trabaho ay kakailanganin mong magkamit ng Diploma mula sa apat na taong pagsusunog ng kilay sa mga unibersidad at kolehiyo.

            Isa itong programa na tumutulong sa mahihirap ngunit sana ay isipin din ng mga mag-aaral na ang Kahirapan ang gawin nilang inspirasyon upang umahon at umangat sa buhay.

            Isa lamang ang aking namasdan at nabatid sa ilang taon kong pagtuturo, na kami ay mistulang nasa pandayan na kaming mga Guro ang mga Panday at ang mga Mag-aaral ang mga Sandata na nagpapaso, naghahampas, naghuhubog at naghuhulma sa kanila upang maging sandata na handang humarap at lumaban sa anumang hamon ng buhay sa mga araw pang darating.

By: Myla B. Manrique | Teacher II | Bonifacio Camacho High School | Abucay, Bataan