Sa pagdaan ng panahon sa buhay ng sangkatauhan ay maraming pagbabago ang nagaganap. Ang mga kaganapang ito ay naghahatid ng maraming aral na kapupulutan ng mga mahahalagang pagkatuto sa buhay ng bawat tao.
Sa bawat kaganapang nabanggit nagmumula ang mga pagbabago hindi lamang sa anyo ng kalikasan kundi sa gawi rin ng pamumuhay ng sangkatauhan na naaapektuhan bunsod ng mga pagbabagong ito. Ilan sa maituturing na kaganapang nag-iiwan ng tatak sa kaisipan ay tulad ng pag-unlad ng mga ekonomiya, bagong tuklas na imbensiyon, ang pagdating ng mga bagong teknolohiya at maging ang hinahatid na kaalaman ng mga bagong kaisipan. Hindi rin maisasantabi ang mga negatibo tulad ng iba’t ibang kalamidad, mga kaguluhan sa iba’t-ibang panig ng mundo, krisis sa pagkain, pagbabago ng klima at patuloy na pag-iral ng mga dati na at bagong mga sakit. Anuman sa kanila ay nagiging bahagi ng mga pagbabago na kailangang tapatan ng akma at lapatan ng unawa upang ating maipagpatuloy ang pamumuhay ayon sa hinihingi ng pagkakataon.
Nang dumating ang pandemya na hatid ng Covid 19, ang kabuuan ng mundo ay dumanas at patuloy pa rin na dumaranas ng pagkabalisa dahil ang sakit na dulot nito ay isang banta sa buhay ng bawa’t tao na walang pinipiling, edad, kakayahan, o dunong man. Sa madaling salita, ang pandemya ay nagmulat sa atin na ang bawa’t tao ay pantay-pantay pagdating sa panahon ng pagharap sa isang malawakang krisis na pangkalusugan.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang paghahanap ng kasagutan upang maging sanggalang sa pag-iwas sa panganib ng pandemya. Kasama na rito ang pagsunod sa disiplinang lakip sa ang mga protokol at pagsasagawa ng mga payak na hakbang tulad ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng maskara sa mukha (facemask) at pagpapanatili ng ligtas na distansiya sa isa’t-isa (social distancing). Kasama pa rin nito ang pagbubukas ng kaisipan na kailangang maisakatuparan ang pagtanggap na walang pag-aatubili ang proteksiyon na hatid ng bakuna. Ito ay isinasagawa upang maiwasan ang pagkakahawa at upang magpatuloy na makabalik sa normal ang ekonomiya na nabalam sa paglago mula ng dumating ang pandemya. Naging tampok ang pagpapanatili ng kalusugan at upang matustusan ito ay kailangang maiwasan din ang pagtigil ng mga gawaing pangkabuhayan para sa lahat. Ang pagpapatuloy ng mga gawain ng tulad sa dati ay tinutukoy ng marami bilang ang “New Normal” na buhay.
Sa kabila ng lahat, hindi dapat na mawalan ng pag-asa ang sinuman. Ang pag-asa ang magdadala sa atin upang malampasan ang banta ng pandemya sa araw-araw na pamumuhay. Bagaman may kahirapan ay mas maraming magagawang kapakipakinabang kung ang iisipin at isasagawa ng bawa’t isa ay maaayon sa pagtingin sa kapakanan ng kapwa.
Sa pamamagitan ng pagkakaisa sa pagharap sa hamon ng pandemya ay hindi natin kailangang isantabi na ang bawa’t taong nabubuhay sa ganitong panahon ay mahalaga tulad na rin ng ating pagpapahalaga sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay.
Ang pagtanaw sa bagong normal “New Normal” ay hindi agarang matatamo at magaganap habang hindi bukas ang isip at kalooban ng lahat na ang dapat nating isaalang-alang ay ang matanggap muna natin ang bahagi ng “bagong realidad” mula sa mga kaganapang ating nararanasan at haharapin pa.
Higit sa lahat na maari nating maisip at maisagawa upang manatili sa bawa’t isa ang pag-asa, marapat lamang na sa bawa’t araw na sa atin ay ipinagkakaloob ay patuloy tayo na humingi ng patnubay at magbigay ng pasasalamat sa ating Maykapal.
By: Adora N. Sarile|Teacher III|Balanga Elementary School|Balanga City, Bataan