Laging napakadilim bago sumikat ang araw. At sa pagsikat nito dala nito ay bagong pag-asa para sa bansa.
Sa pagsapit natin sa gitna ng ating paglalakbay ang pinakamabuting gawin ay tumigil, huminto at sandaling mag-isip. Balikan ang mga nagawa at limiin ano ba ang hantungan ng aking buhay.
Oo, maraming mga tanong, binabalikan tayo ng takot ngunit pinipilit nating pagtagumpayan ito.
Ngunit maraming dahilan kung bakit kailangan nating magpatuloy sa buhay. Nariyan ang ating pamilya, Sa kanila tayo madalas humuhugot ng lakas upang patuloy na kayanin ang mga pagsubok sa buhay. Sila ang ating inspirasyon upang maging matatag sa mga hamon ng buhay.
Maraming pagkakataon na ang ating katatagan ay patuloy na sinusubok, nais niyang sukatin ang tibay ng ating pananampalataya.
Katulad ni Pedro, sinubok ng Diyos ang tiwala niya ng palakarin siya ni Hesus sa tubig ngunit lumubog siya sa kakulangan ng pananampalataya.
Madalas na sinusubok ang ating katatagan sa pagbibigay ng mga pagsubok sa buhay, ang ilan dito ay may kabigatang lutasin, kaya minsan naitatanong natin. “Bakit mabubuti ang ginagawa ng Diyos sa kanya, sa akin ay hindi?” Bakit ako nahihirapan ang iba ay hindi? Bakit ako nagtitiis at napakarami pang bakit.
Minsan may mga panalangin tayo na matagal ang kasugatan at nalulungkot ka kasi para pala sa iba ang gusto mo, kaya lang sana kasabay ng ating tagumpay, isipin natin ang kapakanan ng iba, ang ating pananagutan sa iba mula sa tungkuling iniatas sa atin.
Na sa bawat pag-akyat ilang tao ba ang hinakbangan mo upang makuha ito? Ang pagsusuri sa sarili ang pinaka mabisang paraan upang mas mapabuti ang sarili at kapwa.
Sa buhay natin ang sa tuwina`y maaasahang gabay ay ang ating “Ama.” Katulad sa ating tahanan alam nila kung paano tayo mapapabuti dahil palagi ng walang magulang na naghahangad ng masama sa kanyang anak, ang sa atin lamang matuto sana tayong sumunod.
Ito ay walang iniwan sa alaga kong aso, sa simula`y nainis ako sa kawalan niya ng disiplina. Ngunit sa patuloy kong pagtatama at pagtuturo sa kanya, unti-unti siyang natuto.
Ang palagi lang nating panatilihin sa ating sarili ay pagtitiwala, ani Job “Perpekto ang katwiran ng Diyos sa paglalagay sa atin sa iba`t ibang sitwasyon, sa halip na ikumpara natin ang ating sarili sa iba, tandaan at kilalanin nating alam ng ama ang pinakamabuti.
Dahil sa huli, sa ating pagtitiwala sa Diyos, ibibigay niya ang pinakamagaling sa atin, basta ipaubaya natin sa Diyos ang pagpili ng ibibigay sa Diyos.
Lumubog na naman ang araw. At sa pagpikit ng iyong mga mata, mumulat muli ito para sa susunod na araw at sa bawat pagmulat isang bagong pagkakataon…bagong pag-asa… at bagong ikaw.”
By: Flordeliza B. Castor | T-III | Bataan National High School | Balanga City, Bataan