BEEP… BEEP… BEEP… Preno! baka makasaga ka ng tao. Mag-ingat ka sa mga dinaraanan mo hindi mo alam kung kalian ka mabubunggo. Napakakaskasero dere-deretso, hinay-hinay lang, kalmahan lang, matutong mag-isip kapag gitgitan. Magulo ang mundo, iba-iba ang prinsipiyo, may iba mainitin ang ulo. Buti pa ang jeep may preno, ang ibang tao? Deretso, kahit makasagasa ng damdamin tao.
Matabil ang dila ng ilan, kaya ka nilang yurakan sa isang dahilan, “Kahihiyan”. Masyadong perpekto walang kapintasan. Ang lakas ng kapangyarihan, kaya kang patiklupin sa iyong klinauupuan. Kaya ka nilang ibaba sa mga tingin lamang. Lalakasan pa niyan, ang pagkakamali mong nagawa’t ipangangalandakan. Paiikutin ka rin niya, mapagtatanto mong bigla ay ikaw na ang may kasalanan. Hindi ba maaari yung masinsinan? Hindi ba maaari mapayapa lang? Hindi ko na maunawaan, tila sarili lang ang tanging pinakikinggan.
Pitong beses na isipin bago gawin, makabubuti ba ang iyong sasabihin o makasisira lang ng isip at damdamin. Alagaan mo yaring kapwa, sa itaas pagpapalain ka. Huminto ka para di ka makasagasa. Buti pa ang jeep may preno ngunit ang tao wala.