Taon taon nating pinagdiriwang ang Buwan ng Wika sa ating bansa upang bigyang pagpapahalaga sa ating Wika. Ito ay pinasimulan ng Dating Pangulong Ramon Magsaysay upang bigyang pugay si Francisco “Balagtas” Baltazar na kilala sa pagiging makata. Ngunit sa sumunod na tao ay napalitan ang layunin nito at ito ay ang bigyang pansin ang malaking ambag ng ating dating Pangulong Manuel L. Quezon tungo sa pagkakaroon natin ng Wikang Pambansa.
At ngayong taon naman ay pinagdiriwang natin ito na may temang, “Filipino at mga katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.” Ipinaparating ng Komisyon ng Wikang Filipino o KWF na mula sa ating wika ay maitataguyod natin ang ating bansa, ang ating kultura, maging ang ating buhay gamit ang pagpapahalaga at paggamit natin ng ating sariling wika.
Sakop ng ating tema ang malaking sangay ng ating bansa. Naniniwala ang KWF na susi ang wika sa pagkamit ng kaunlaran, maging sa kaayusan at pag-kakaisa, sa kaligtasan at kapakanan ng mamayan. Kung Kaya’t huwag nalang iisantabi ang wika na mayroon tayo lalo ang wikang Pambansa o ang Wikang Filipino.
Ang wika ay maiituturing nating yaman, na hindi nalang basta mananakaw ninuman ngunit maaari ding mawala nang dahil lang din sa ating mga kapabayaan. Walang masama sa pagtangkilik sa ibang kultura lalo’t sa wika ng ibang banyaga. Ngunit malaking paalala sa lahat na sa panahon na natutunan natin ang ibang banyagang wika ay huwag natin tuluyang kalimutan ni pandirian ang ating sariling wika.
Mahalin, yakapin at pagyabungin pa natin ang wikang atin at huwag na lamang ito iisantabi at baliwalain.
Maligang pagdiriwang ng buwang ng wika.
By: Rheymon C. Cortez|Teacher I|Tapinac Senior High School |Olongapo,Zambales