May mga aral na hindi sa loob ng silid-aralan natututunan.
Ang epidemyang ating nararanasan ay nagdudulot sa atin ng kahirapan. Ngunit sa kabilang banda, ito ay nagbibigay sa atin ng mga aral at karunungang nababakas at unti-unting natututunan sa panahon ng Community Quarantine.
Sa paglaganap ng virus sa ating bansa, mapapansin natin na sa bawat araw na lumilipas at sa bawat araw na dumaraan, ito ay nagtuturo sa atin ng mga bagay na higit nating natututunan at nalalaman sa labas ng paaralan.
Una, sa kabila ng ating kinahaharap na krisis, higit nating napahahalagahan ang pagmamahal at halaga ng isang pamilya. Ang diwa ng pagmamahalan ay namamayani sa bawat isa. Tayo ay tunay na pinagbubuklod sa kabila ng problema.
Pangalawa, natututunan din nating tumayo at magsalita sa mga bagay na alam natin kung ano ang tama. Dito nasusukat ang ating pagka-Pilipino dahil ating naisasabuhay at ginagampanan ang ating tungkuling magsalita at pakinggan ng mamamayan.
Pangatlo, dahil sa Pandemic na ating nararanasan, mas nasusukat ang ating pananampalataya sa Kaniya. Bilang mga Pilipinong kilala sa buong mundo na mga taong relihiyoso, mas napapaigting ang ating pananampalataya dahil tayo ay hindi natitinag ng mga problemang ating nararansan dahil tayo ay mas nananalig pa sa kaniya.
May mga nagsasabi na ang pandemyang ito ay magdudulot ng hindi magandang epekto sa ating bansa lalo na sa ating ekonomiya. Ngunit kung ating iisipin at pagninilay–nilayan, ang pera at ekonomiya ay maibabalik at pwedeng kitain. Higit na mas mahalaga sa ngayon ang ating reyalisasyon at mga aral na ating nalalaman at natututuhan sa kabila ng ating kinahaharap dahil ito ay mga bagay na hindi nabibili ng anumang salapi o pera – ito ay nagmumula sa ating mga puso at kaluluwa.
Sa huli, ating mapapagtanto na hindi sa lahat ng bagay ay ang mga libro at aralain sa paaralan ang magbibigay sa atin ng aral bagkus mas matututo tayo sa pagkakataong lumabas na tayo sa apat na sulok ng silid-aralan.
Huwag din nating kalimutang maging malusog at progresibo sa paggawa ng mga bagay na higit na makakapawi ng ating pagkabagot. Higit din nating paigtingin ang ating samahan at pakikisalamuha sa ating mga magulang at pamilya. Huwag kalimutang tumayo at maninidigan para sa tama’y katotohanan – hindi ito ang panahon para magbulag-bulagan at magbingi-bingihan at ang pinaka-mahalaga, mas pagtibayin at palakasin natin ang ating pananampalataya sa Poong Maykapal sa kabila ng ating nararanasan ay mas dapat tayong kumapit at lumapit sa Kaniya.
At kailanman, hindi kikilos ang ating mga salita hanggat hindi tayo gumagawa.
By: Mrs. May Ann M. Enriquez | Administratrive Officer II | SBO Balanga