“DAAN SA PAGBABAGO”

  Paano nga ba natin makakamtan ang malawakan at permanenteng pagbabago? Saan ba ito magsisimula? Katatapos lamang ng eleksyon at naghalal na tayo ng mga bagong pinuno  ng ating bansa sa paniniwalang nasa kamay ng mga pinunong ito ang magdadala ng pagbabago sa ating bansa. Ilang taon na rin ang nakalipas na patuloy tayo sa…


 

Paano nga ba natin makakamtan ang malawakan at permanenteng pagbabago? Saan ba ito magsisimula? Katatapos lamang ng eleksyon at naghalal na tayo ng mga bagong pinuno  ng ating bansa sa paniniwalang nasa kamay ng mga pinunong ito ang magdadala ng pagbabago sa ating bansa. Ilang taon na rin ang nakalipas na patuloy tayo sa paghanap ng mga pinuno na mangunguna sa pagbabago ng ating bansa at mababakas ito ating kasaysayan. Pinuno na may dakilang mithiin sa bansa kaya’t ang ilan sa kanila ay tinawag na mga bayani ng bansang Pilipinas.

Magugunita sa Kasaysayan ng ating bayan ang Kadakilaan at Kabayanihan ng maraming mga Pilipino. Dahil sa kanila, nakamtan natin ang kalayaan at kasarinlan, at dahil sa kanilang kontribusyon at pag-aalay ng buhay para sa ating Bayan, gumuhit ito ng malaking pagbabago sa ating bansa. Gumamit sila ng pluma at utak at ang iba nama’y gumamit ng dahas at itak. Iwinagayway ang ating bandila kasaba’y ng pagdedeklara ng ating paglaya. Mula sa panahon ng pananakop ng iba’t ibang lahi, pagdidikta at pag-angkin ng ating lupang sinilangan, gumising at namulat ang ating isipan upang ipaglaban ang kasarinlan ng ating bayan. Nagbigay daan ito upang malaman natin ang katotohanan at upang manindigan tayo sa ating ipinaglalaban.

Ngunit ang pagbabago ay patuloy pa rin, kasabay ng pagtakbo ng oras at pag-ikot ng mundo. Kung naghahanap tayo ng kasagutan kung paano mababago ang mundo, simulan natin ito sa ating mga sarili. Magkakaroon ng malawakan at permanenteng pagbabago kung tutularan at susundan natin ang yapak ng mga dakilang Pilipino na inialay ang puso nila sa bayan, hindi sa paraang paggamit ng dahas ngunit sa tamang paraan at tuwid na landas. Kailangan nating magtulungan at maging isang bansang may iisang layunin, ang kalayaan at kapayapaan. Gampanan natin ang ating tungkulin at magkaroon ng pananagutan. Isipin ang kapakananng ng mga nakararami at higit, ng ating bayan. Baguhin natin ang maling sistema at maki-alam sa nangyayari sa ating lipunan. Paglingkuran ang Pilipinas ng buong puso bilang isang responsableng mamamayan ng bansa. Doon palang natin matatamo ang pangarap at inaasam ng ating mga Dakilang Bayani na nagbuwis ng buhay upang matamasa natin ang kalayaan na ating nilalasap ngayon. Katulad ng isang Bayani, ang bawat Pilipino ay umaasa din ng pagbabago sa  ating mapaghamong Lipunan. Maaari nating ibuwis ang ating panahon, lakas, talino at pagpupunyagi na gumuhit ng tuwid na daan tungo sa pagbabago. Pagbabago na dapat magsimula sa kaibuturan ng ating puso at pagkatao. Simulan na ang pagbabago tungo sa isang maunlad na kinabukasan. Tara na at makibahagi sa pagbabago ng Inang Bayan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

By: ADELMO C. GONZALES JR. HEAD | TEACHER III | LAMAO NATIONAL HIGH SCHOOL