Wala nang mas sasarap pa,
Sa pagkakaroon ng isang pamilya.
Pamilyang handang magbigay- saya,
Sa iyong pagkatao’y tatanggap, uunawa.
Sadyang ang wagas na pagmamahal Niya
Ay hindi mapapantayan ng kahit sino pa
Oh ano ang aking nagiging ligaya
Dahil ramdam ko, pagmamahal mo, Ina.
Ngunit ng isang pagsubok ay sumapit,
Anong hirap sa kalooban, sadyang napakasakit.
Makitang ika’y nakaratay, sa sakit namimilipit,
Ano pang saysay ng pagngiti, di ko yun maipilit.
Noong ika’y nakaratay sa banig ng karamdaman,
Aking pakiramdam, di ko na malaman.
Minsan tuloy ang Diyos nais kong wikaan,
“Panginoon ko, ako na lang ang iyong pahirapan.”
Ngunit wala nang sasakit pa,
Nang di ka na maabutan pa.
Na sa mga oras , sa ospital naisugod ka,
Iyon na pala ang sandaling mamamaalam ka na.
Sa aking pagbiyahe, ako’y nagmadali,
Umaasang magiging ayos, mahihirap na sandali.
Sa bawat tawag sa aki’y di na ako mapakali.
Kalungkutan nga’y dumating, buhay mo’y tuluyan ng binawi.
Nanay Tessie sa iyong pagkawala,
Laging dumarating, lubos kong pangungulila.
Di ko mapigilan pagpatak ng mga luha,
Sa tuwing aking iisipin, ang ating mga ala-ala.
By: Rodolfo N. Ariola, Jr.