DORMITORYO

Sinagot ni Iris ang misteryosong tawag mula sa lumang telepono na kailanma’y hindi pa niya naririnig na tumunog simula noong siya ay lumipat sa bagong silid na halos makasaysayan na ang itsura. Ngunit nang sagutin niya ang telepono ay wala siyang ibang narinig kundi mga iyak at kaluskos ng kadena. Kinilabutan si Iris at agad…


Sinagot ni Iris ang misteryosong tawag mula sa lumang telepono na kailanma’y hindi pa niya naririnig na tumunog simula noong siya ay lumipat sa bagong silid na halos makasaysayan na ang itsura. Ngunit nang sagutin niya ang telepono ay wala siyang ibang narinig kundi mga iyak at kaluskos ng kadena. Kinilabutan si Iris at agad na lumabas ng silid upang puntahan at ikuwento sa kaibigang si Tara na matagal nang nakatira sa inuupahan nila ang nangyari. Napadaan naman sa pasilyo ang isang lalaki na bakas sa mukha ang pagtataka. “Ano’ng tinitingin-tingin mo riyan?” singhal ni Iris kaya naman napapasok itong bigla sa sarili nitong silid. Nang malamang naka-locked ang kwarto ni Tara ay dali-dali na lamang siyang bumalik sa kanyang sariling silid at babalikan na lamang niya itong muli baka nasa paaralan pa ito.
Sumapit ang gabi at may narinig na umiiyak si Iris, naisipan niyang sundan kung saan nagmumula ang iyak kaya’t bumangon siya sa pagkakahiga na hindi niya namalayang nakatulugan niya sa pag-aantay sa kaibigan. Ngunit bago siya lumabas ay kinuha niya ang arnis na ginagamit niya sa paaralan. Lakas loob niyang binuksan ang pinto.
Kapwa silang napasigaw ng lalaking kalalabas lamang din sa kanyang silid. “Shush” saad ng lalaki. Agad niyang hinila si Iris na tulala at bakas ang pagkagulat dahil sa nangyari. “Bakit ka lumabas ng kwarto mo?’’ sabi ng lalaki. “Mmmmay na-narinig kasi akong umiiyak”, ang pautal-utal na sagot ni Iris. “Gabi-gabi rin akong may naririnig na umiiyak, ngayon lang ako nagkalakas ng loob na tingnan at alamin kung ano ang nangyayari, ako nga pala si Kai. Bago lang din ako dito.” “Iris”, ano, tara na tingnan na natin?” nag-aalangang sagot ni Iris.
Habang palapit nang palapit sa isang silid sa pinaka-basement ng inuupahang mga silid ay palakas naman nang palakas ang kakaibang tunog. Hanggang sa sumapit sa silid na pinagmumulan ng iyak. Pinihit ang seradura at kinalampag nila ito baka sakaling may taong naiwan rito at upang makakuha na rin ng atensiyon ng mga taong nangungupahan sa palapag na iyon. “Hello, may tao ba riyan?” Nagulat sila nang may sumagot. Pinagtulungan nilang buksan ang pinto at nagulantang sa nakitang mga sugatang mga tao.
Tinulungan nila ang mga tao, na inasikaso namang agad ni Kai. Naalala niya si Tara. Daki-daki niyang tinungo ang silid ni Tara upang ipaalam ang nangyayari. Akmang kakatukin ang silid ng kaibigan nang – “May bagong lipat ba diyan?” sabi ng isang babaeng kapwa nangungupahan. “Dito nakatira ang kaibigan kong si Tara” sagot ni Iris. “Imposible! Matagal nang walang nakatira diyan, simula nang magpakamatay ang babaeng nagsasabing palaging may naririnig na umiiyak, hindi niya nakayanan ang takot na naging dahilan ng kanyang pagpapatiwakal. Ayon din sa kwento, siya ang nagkulong sa mga tao doon sa basement na palagi rin niyang naririnig, nakokonsensiya siguro,” ang tuloy – tuloy na wika ng babae. “Bakit ka nga pala galing sa baba? Bawal nang lumabas sa ganitong oras di ba? May curfew tayo”.
“Ha?!, mag-isa lang ako? Nasaan si Kai?” naguguluhang sambit ni Iris.
“Sinong Kai?, bawal boys dito no, for girls only – Dormitoryo ito ng mga babae.”