Labing anim na taon ang binuno ko para makatapos sa aking pag-aaral. Anim na taon sa elementarya, apat na taon sa hayskul, dalawang taon sa bokasyunal at apat na taon sa kolehiyo.
Masayang makatanggap ng katibayan na ako ay nakapagtapos ng elementarya. Ibig sabihin nito, nakatapos ako sa panahon ng pag-aaral ng pagbabasa at pagsusulat sa unang baitang at magbaybay sa ikalawang baitang. Pagmememorya naman ng multiplication table, paano ginagamit ang is at are ganoon din ang he at she, pagsasaulo ng mga misteryo ng rosaryo sa Religion, pananahi ng basahan at paglalaro ng piko at sipa mula ikatlo hanggang ika-anim na baitang. Ito ang ilan sa mga tumatak sa akin na ginawa ko noong ako ay nasa elementarya pa.
Sa pagtuntong ko naman ng hayskul, mas lumaki na ng kaunti ang aking mundo. Dito din dumating ang malaking pagbabago sa hugis ng aking katawan, pagtangkad at pagkakaroon ng nakakainis na tigyawat. Dahil nga ba ito sa pagkakaroon ng crush? Nandito rin ang nakakalitong sine – cosine sa Matematika, paghahanap ng carbon at oxygen sa periodic table of elements, pagkilala kay Crisostomo Ibarra sa Noli Me Tangere at Simon sa El Filibusterismo, Hindi ko rin makakalimutan si Crispin at Basilio na mga anak ni Sisa. Siyempre, hindi mawawala ang Junior at Senior Promenade. Araw-araw na pakikipagbuno sa lahat ng asignatura para magkaroon ng mataas na grade para manitili sa Section A. At pagtatapos ng hayskul na napakaitim dahil nagbilad ka sa araw dahil sa Citizens Army Training. Ito ang ilan sa mahahalagang yugto ng buhay ko sa hayskul.
Ang huling yugto – Kolehiyo! Dapat pakaisiping mabuti kung anong kurso ang dapat kong kuhanin. Tamang pagpili kung ano ang gusto kong maging at nais marating. Ito din ang panahon ng research at reaction paper, reporting, programming at debugging, puyatan sa pag-aaral ng Works of Rizal dahil terror ang propesor. Paturo dito, paexplain doon dahil napakahirap ng Differential at Integral Calculus. Pagbibilang ng isa hanggang sampu upang pakalmahin ang sarili ang turo naman ng aking propesor sa Psychology, asdf at jkl, naman sa typing, Law of Supply at Demand sa Economics, debit at credit sa Accounting atbp.
Parang simple lang ang lahat. Parang naglaro lang ako noong elementarya. Parang nakipagkasatan lang ako noong hayskul at parang nakipagkwentuhan lang ako noong kolehiyo. Pero HINDI! Determinasyon, sipag at tiyaga ang aking puhunan upang makamit ko ang aking pangarap. Kahit Linggo pumapasok pa din sa unibersidad para makatapos ng proyektong dapat maipasa sa takdang oras. Hindi birong dami nang pagod, puyat at gutom ang aking pinagdaanan upang magkaroon ng diploma. Ang pagkakamit ng mataas na edukasyon ay daan upang mabago ang takbo ng aking buhay. Ito ang hawak ko kaya ako ngayon ay may maayos na trabaho. Ito ang sandata ko kaya ngayon ay masasabi kong ako ay may simple at maunlad na pamumuhay.
Tunay na ang edukasyon ang armas sa pag-unlad. Ito ang sandigan ng katuparan ng ating mga pangarap. At ito ang naging sanhi at dahilan upang makamit ko kung anuman ako ngayon.
By: Jane B. Carag | Administrative Assistant II | Mariveles National High School Malaya