Bawat tao ay may pangarap, pangarap na matuto, magtagumpay at umunlad sa pamumuhay. Kung kaya mahalaga na tayo ay makapagtapos ng ating pag-aaral sapagkat sa panahon ngayon ay kinakailangan ang mataas na edukasyon upang ikaw ay umunlad at makamit ang iyong mga mithiin sa buhay.
Ang edukasyon ay mahalaga sa bawat isa sapagkat ito ang tanging kayamanan na hindi maaagaw o mananakaw ng kahit na sinuman. Ito ang nagsisilbing tulay tungo sa maunlad at matiwasay na buhay, nararapat lamang na pagsumikapan natin na ito ay mapagtapusan. Hindi hadlang kung ano man ang estado ng iyong buhay upang makamit ito sapagkat kung iyong gugustuhin ay maraming paraan at “walang mahirap sa taong masipag”.
Hinuhubog din nito ang ating pagkatao sapagkat kung tayo ay marunong at may alam ay napalalakas nito ang ating loob, upang matuto tayong harapin at makipagsapalaran sa agos ng buhay. Hindi tayo matatakot na makipagsabayan sa iba at hindi tayo madaling maloloko ng sinuman dahil mayroon tayong talino at dangal na ipinunla upang magbunga ng maganda. Ang edukasyon ay napakahalaga para sa ating pag-unlad kung kayat huwag nating sayangin ang opurturidad na makamit ito. Dahil marami ang mababago nito sa ngayon, bukas at sa mga susunod pang bukas ng ating buhay.
By: MILDRED M. GUANZON | T-I |BCNHS