Maraming malalayong lugar sa ating bansa ang uhaw sa pagkakaroon ng paaralan, paaralan na siyang nagiging susi sa pagkakaroon ng wastong edukasyon na pangarap ninuman. Ito ang munting pangarap na binibigyang katuparan ng pamahalaan at ng ilang pribadong samahan na naglalayong makapagbigay ng wastong edukasyon sa mga naninirahan sa kabundukan
Ang Kinaragan ay isang lugar sa paanan ng bundok na kung tawagin din ay Bayan-Bayanan. Mga katutubong Ita ang dito ay naninirahan. Mas ninais nilang manirahan sa kabundukan kaysa sa kabayanan pagkat ayaw nilang pagtawanan at kutyain sa taglay nilang kaanyuan. Marami sa kanila ang hindi nakatuntong sa paaralan upang makapag-aral marahil dala ng kahirapan sa buhay at pagiging malayo ng kanilang lugar sa bayan.
Isa ang Kinaragan sa maswerteng lugar na pinagkalooban ng isang samahan katuwang ang Kagawaran ng Edukasyon na magkaroon ng paaralan.Simpleng kubo ang itinayo upang magsilbing paaralan sa mga batang katutubo.Pangunahing layunin nila ang makatulong na magkaroon ng sapat na edukasyon ang mga katutubo upang huwag lumaking mangmang tulad ng kanilang mga ninuno.
Sakripisyo para sa mga naging unang guro na ito ay puntahan. Masasabing ito’y liblib na lugar noon at sadyang malayo sa kabayanan ngunit, dala ng pagnanais na matulungan ang mga batang katutubo na mamulat sa halaga ng edukasyon , ang pagtuturo sa lugar ay talagang pinagtiyagaan.Hindi birong sakripisyo ang inilaan upang ang mga bata ay mapatuto.Maraming bagay ang sa kanila ay itinuro,kabutihan-asal, pagiging malinis sa katawan at kaalaman sa paggamit ng palikuran ang isa sa binigyang pansin pagkat noon sila ay sanay na sa tawag ng kalikasan,kasukalan ang kanilang tinatakbuhan.
Naging matagumpay ang edukasyon sa pagpasok sa buhay ng mga katutubo sa Kinaragan pagkat ang kubo noon na itinayo upang magsilbing paaralan ay binubuo na ngayon ng pitong silid-aralan, mga mag-aaral mula Pre-Elem hanggang Ikaanim na Baitang at higit sa lahat mga guro na sama-samang nagtutulungan sa pag-abot ng pangarap ng mga kabataan.
Tunay na ang edukasyon ay walang pinipiling lugar ,tao at pagkakataon at bilang guro kailangan lamang natin ang tunay na pagmamahal sa mag-aaral,tiyaga at pasensya sapagkat lahat ng buting ating itinuro sa kanila ay dala hanggang pagtanda nila.
By: Blesilda S. Ambrocio | Teacher I | Kinaragan Elementary School | Limay, Bataan