Simula ng ipinanganak tayo at magsimulang magkaroon ng muwang sa mundo na ating ginagalawan ay mayroon na tayong karapatan na katulad ng mga natatamasa ng isang mamamayan sa lipunan. Isa sa mga karapatang ito ang edukasyon. Malaking tulong ang pagpasok sa paaralan upang mas magkaroon tayo ng kaalaman at lumawak pa ang ating isipan. Dito nagsisimula ang lahat makakahalubilo natin ang mga mag – aaral na magsisilbi nating kapatid at ang guro naman ang magsisilbi nating pangalawang magulang.
Kapag nasimulan na nating mahalin at pahalagahan ang edukasyon hindi natin namamalayan na unti – unti na pala nating naaabot ang ating mga pangarap. Wala ng mas sasaya pa sa pakiramdam ng ating mga magulang kapag natunghayan nila ang pagtatapos natin sa pag – aaral dahil para sa kanila ang edukasyon ang tanging kayamanan na maipapamana nila sa atin. Marami pa rin ang mga batang hindi nakakapag – aral dahil sa kahirapan at kung isa ka man dito ang kailangan mong gawin ay magsikap kang makapag – aral at magtyaga ka na abutin ang iyong mga pangarap sa kabila ng mga problema o balakid na pumipigil sayo. Hindi mo kasalanan na magkaroon ka ng ganyang buhay kaya dapat mas mangarap ka pa ng mataas para makamit mo ang tagumpay at magandang kinakabukasan na minimithi mo.
Sa panahon natin ngayon hindi madali ang mabuhay kung wala kang sapat na kaalaman. Kaya kailangan mong maging maabilidad, matiyaga, at magtiwala sa sarili mo kung nangangarap ka na magkaroon ng magandang buhay at kinabukusan. Higit sa iyong sarili ay magtiwala ka sa Panginoon na tutulungan at gagabayan ka niya sa lahat ng gagawin at bawat hakbang na iyong tatahakin. Siya ang magpapakita sayo ng daan patungo sa tagumpay at magandang kinabukasan. Bukod sa edukasyon, ang Panginoon ang higit na magiging sandata mo sa lahat ng laban mo sa buhay.
Hindi maitatanggi na ang edukasyon ay mayroong malaking papel na ginagampanan sa ating buhay at maging sa ating pamumuhay. Kung kayo ay may pagkakataong makapag – aral ay huwag niyong hayaan na masayang ang pagkakataon at pagtitiwalang ibinigay ng magulang niyo. Kaya sila nagpapakahirap sa pagtatrabaho para lang maibigay ang inyong mga pangangailangan. Kung sila ay hindi humihinto sa pagtatrabaho dapat ikaw din ay hindi huminto sa pangarap na gusto mo para sa kanila at sa sarili mo. Kayo pa rin ang gagawa ng buhay na gusto niyo kaya maging masipag at matiyaga kayo sa pag – aaral.
Sanggunian:
EDUKASYON: SUSI SA TAGUMPAY
Joan M. Dueñas
http://www.depedbataan.com/resources/4/edukasyon-_susi_sa_tagumpay_.pdf
By: Jecelyn Joy D. Juganas | LPT – Social Studies