Ano ba ang kahalagahan ng edukasyon? Totoo bang ito ang susi sa kaunlaran ng bawat mamamayan at ng ating lipunan? Paano mo ba ito binibigyang halaga? Naniniwala ka ba na ang mg kabataang nagbibigay ng importansiya sa edukasyon ang magiging pag-asa ng makabagong henerasyon?
Mahalaga ang edukasyon pagkat ito ang humuhubog sa bawat isang mamamayan sa mundo. Ito ang nagtuturo sa atin ng iba’t-ibang bagay ukol sa ating buhay. Ang humahassa sa talento ng kabataan na nagiging tulay sa pagkamit ng pangarap at kasiyahan. Ito rin ang gumagawa ng mapa sa daan ng ating buhay. Ang buhay ng tao ay may pinto na tinatawag na kahirapan. Ito ang humahadlang sa kasagaan ng ating pamumuhay. Ngunit nariyan ang edukasyon ng nagsisilbing susi upang mabuksan ang sagabal na pintuan sa landas ng kaunlaran. Dapat na pahalagahan ang edukasyon lalo na ng mga kabataan. Ang edukasyon ang pinakamahalagang magiging gabay nila sa kaginhawahan ng buhay at kasaganaan ng lipunan. Ang edukasyon ay dapat panghawakan ng sinumang kabataang nangangarap ng magandang buhay at kinabukasan. Ito ay isang sandata ng mga taong umaasang maramdaman ang kaginhawahan at magkaroon ng sapat ng pamumuhay. Ito rin ang nagsisilbing tulis sa isang espada na siyang humahawi sa mga pagsubok ng buhay.
Ang edukasyon ang nagtuturo ng karunungan at pagnaglaon ito ay habambuhay na nakatatak sa ating puso at isipan na walang kahit sinong makapagnanakaw. Ito ang ating magiging tanglaw sa kaunlaran ng ating kinabukasan.
By: Nenita J. Tan | Teacher I | Pablo Roman National High School | Pilar, Bataan