Paulit-ulit na nating naririnig, ang kasabihani ni Rizal, “Äng kabataan ang pag-asa ng bayan.” Maaaring ito ang palagay ni Rizal noong panahong nabubuhay pa siya. Pero sa kasalukuyan, akma pa rin ba ang mga katagang ito??? Ano nga ba ang kalagayan ng ating mga kabataan sa ngayon? Tunay nga na ang mga kabataan ngayon ang susunod na mga magiging pinuno, guro, doktor, pulitiko, manggagawa, arkitekto, at inhinyero ng bansa.
Ngunit paano ba nila pinahahalagahan ang edukasyon? Ang edukasyon na siyang tanging armas upang maging matagumpay sa hinaharap. Sa napakaraming kabataan ngayon, iilan na lamang siguro ang mulat sa kahalagahan ng edukasyon sa kanilang buhay. Oo, marami ang nag-aaral, marami ang nasa paaralan. Ngunit, nasa puso ba ng lahat ng kabataan na ito na hindi lamang sapat ang matutong magbasa at magsulat?? Kailangang makapagtapos hindi lamang sa gusto ng nanay at tatay mo. Kundi dahil ito ang iyong kinabukasan maging ng iyong mga anak at bayan.
Sa pagpasok ng napakaraming gadget, tila isang bangungot sa napakaraming guro ang pagdisiplina sa mga kabataan ngayon. Kaakibat nito ang walang katapusang pakikipagkumpetensya sa makabagong teknolohiya. Sa panahon kung saan ang agham at teknolohiya ay patuloy na sumisibol, napakaraming natutuklasan. Naging napakadali ng lahat para sa mga kabataan. Madaling kumuha o gumawa ng assignment, isearch, icopy at ipaste mo ay okay na ang iyong proyekto at research. Nakakalungkot lamang na ni hindi man lang hinagip ng kanilang mga mata kung ano ba ang kanilang kinuha at pinasa. Ang internet ang nagpadali ng lahat; Email, Facebook, Google, Skype, Instagram, Messenger…Lahat ay nandito na…Wala ka ng hahanapin pang iba.. Ang pagresearch sa library ay parang palengkeng nilalangaw na, iilan na lamang ang nais pumasok at magbuklat ng aklat.
May kabutihan, ngunit marami din ang hindi magandang dulot ng teknolohiya sa ating mga kabataan ngayon. Nasaan na nga ba ang mga kabataang pag-asa ng bayan na sinasabi ni Rizal?? Ang pagkakaroon ng isang matibay at mataas na edukasyon ay isang saligan upang mabago ang ating lipunang kapos pa rin sa kaunlaran. Mas higit ang kabataan natin ngayon kumpara sa kabataan noon. HIgit silang mulat at mas mabilis matuto.. Ngunit sana ay higit nilang pahalagahan ang pagtatamo ng edukasyon. Na ang pag-aaral ng may dangal, may kaalaman, at may tamang moral ay ang magsisilbing dahilan upang magkaroon tayo ng magandang pamumuhay at maging mabuting mamamayan.
By: Mrs. Mayette Gonzales Garcia | Teacher III | Bataan National High School | Balanga, Bataan