Nakakamangha ang mga makabagong teknolohiya ngayon. Iba’t-iba ang nauuso , ang bago ngayon ay mabilis na naluluma. Dahil sa katalinuhan ng tao patuloy ang paglikha ng ibat-ibang bagay na talaga namang nagdudulot ng kasiyahan sa mga tao. Ito ay dulot din ng malikhaing kaisipan ng tao na siya ding nagtutulak upang magkaroon ng mas higit na kaalaman. Maaring ang ugat nito ay ang edukasyon.
Nagsimula ang malikhaing kaisipan ng mga tao noon pang unang panahon na kung saan ay wala pang pormal na edukasyon. Dahil sa matalinong pag-iisip ng mga tao ay nagkaroon sila ng kaalamn at natuto ng mga bagay-bagay.Natuto silang tumuklas ng mga kagamitan para sa kanilang ikabubuhay. Dumaan ang maraming panahon ay natatag ang pormal na edukasyon. Ang mga mag-aaral ay nagtutungo na sa paaralan upang doon ay matuti at magkaroon ng kaalaman. Dahil dito higit na mas naging matalino ang tao. Maraming mga bagay ang natututunan sa paaralan. Mula sa pag-uugali, pagbasa, pagsulat, at pakikipagkapwa.
Sa pagkakaroon ng edukasyon, ang isang tao ay napapaunlad ang kanyang sarili. Halimbawa na lamang kung siya ay makatapos sa pag-aaral, ito ay magagamit niya sa pagkuha ng trabaho. Ang pagkakaroon ng hanap-buhay ay nakakatulong upang umunlad di lamang ang sarili kundi pati na rin g buong bansa.
Maraming taon na ang nakalipas ngunit ang edukasyon ay patuloy na nagbibigay ng kaalaman. Sa ngayon at sa mga susunod pang panahon, ito pa rin ang pinakamahalagang sandata tungo sa pag unlad at pagkakaroon ng magandang kinabukasan.
By: Celia D. Tecson | Pablo Roman National High School | Pilar, Bataan