SINO nga ba ang hindi humanga kay Efren Peñaflorida nang siya ay parangalan ng CNN bilang 2009 Hero of the Year? Si Efren at ang kanyang eskwelahang de-kariton. Libreng pagtuturo sa mga batang lansangan kahit saan mang lugar, sementeryo o tambakan man ng basura.
Hindi kaila kay Efren ang hirap ng kalagayan ng mga taong nakatira sa slum areas lalo na ang mga kabataang kapus-palad na makamit ang tamang edukasyon, tamang kalinisan at maging pagmamahal at kalinga mula sa sarili nilang pamilya. Siya mismo ay lumaki malapit sa isang open dumpsite sa Cavite City. Salamat sa mga scholarships at tulong pinansyal, si Efren ay nakatapos ng kursong computer technology at nagpatuloy ng pag-aaral hanggang makapagtapos sa kursong Secondary Education, na may karangalang cum laude.
Ang Dynamic Teen Company na kanyang itinatag sa edad na 16 na taon upang maiiwas ang mga kabataang misyembro sa masasamang bisyo dulot ng barkada sa pamamagitan ng mga kabuluhang proyekto at pagbibigay serbisyo ay nakilala sa kanilang eskwelahang de-kariton o pagtuturo sa mga batang-lansangan na nais matuto saanmang lugar, gamit ang mga kariton na may lamang mga silya, aklat at iba pang gamit sa pagtuturo.
Kamakailan lamang kinilala ng DepEd ang kabayanihan ni Efren Peñaflorida at ng kanyang grupong DTC sa pamamagitan ng paglagda sa isang kasunduan ng pagsuporta sa kanilang krusada na makapagbigay ng alternative learning systems para sa mga batang lansangan, mga drop-outs at mga out-of-school youths na may mga tamang gamit sa pagtuturo.
Sa pangunguna ni Education Secretary Armin Luistro, ang DepEd ay nangako ng suporta upang mapagibayo ni Efren at ng DTC ang mga paraan upang maabot ng mga kabataan at may mga edad ang mga non-traditional na paraan upang matuto tungo sa pagbabalik sa mga paaralan.
Bibigyan ng DepEd ng pagkakataon ang DTC na gamitin ang kanilang sariling curriculum at ang curriculum na ipinatupad ng DepEd. Ang DepEd din ang mamamahala sa pagsasanay sa DTC mga guro, tutors, para-teachers, volunteers at learning facilitators sa paggamit ng Modified In-School, Off-School Approach (MISOSA), Enhanced Instructional Management by Parents, Community and Teachers (e-IMPACT), sa elementarya at sa Open High School Program at maging sa Drop-Out Reduction Program sa hayskul.
Tungo sa ibayong pagpapalaganap ng edukayon, sana’y marami pang tulad ni Efren at grupo nito ang lumitaw na maging ehemplo para sa lahat.
By: LORENA M. NAVATA | T-III | LIMAY NATIONAL HIGH SCHOOL | LIMAY, BATAAN