Filipino: Wika ng Kaunlaran

Bakit ba mahalaga ang isang wika? Ano ba ang tungkulin ng wika sa isang bansa? Bakit kaya ninanais  ng iba na  mas gamitin ang wikang banyaga kaysa sa kanyang sariling wika? Ito ang mga katanungang nais kong mabigyang linaw. Ang pagkakaroon ng sariling Wikang Pambansa ay may layuning pag-ugnayin ang bawat mamamayan sa isang bansa.…


Bakit ba mahalaga ang isang wika? Ano ba ang tungkulin ng wika sa isang bansa? Bakit kaya ninanais  ng iba na  mas gamitin ang wikang banyaga kaysa sa kanyang sariling wika? Ito ang mga katanungang nais kong mabigyang linaw.

Ang pagkakaroon ng sariling Wikang Pambansa ay may layuning pag-ugnayin ang bawat mamamayan sa isang bansa. Ito ang nagbibigay daan tungo sa pagkakaisa at pag-unlad ng bansa sa iba’t ibang aspeto. Ang wika ay nagiging isang malaking tulay ng komunikasyon upang mapalago at mapagyaman ang aspetong sosyolohikal, politikal at ekonomikal ng isang bansa. Ang isang bansang may sariling wika ay nangangahulugang ito’y malaya. Ang wika ay isang paraan ng komunikasyon. Sa pamamagitan nito , tayo ay nagkakaintindihan at lubusang naipahahayag ang iba’t ibang kaisipan. Bahagi rin ng kasaysayan at kultura ng isang bansa ang kanyang wika. Gaya na lamang sa ating bansa, simbolo ng pagiging Pilipino at ng ating pagkakakilanlan ang paggamit ng Wikang Filipino.

            Ngunit bakit ang iba sa atin ay ikinahihiya ang paggamit  ng ating Wikang Pambansa? Mas ninanais pa nilang maging bihasa sa paggamit ng wikang banyaga at isantabi ang sariling wika. Naniniwala ako na mahalagang matutunan natin ang Wikang Ingles nang hindi nababasura ang Wikang Filipino. May mga sitwasyon na kinakailangan nating gamitin ang wikang banyaga ngunit huwag din nating kalimutan gamitin ang sariling wika lalo na’t tayo’y nasa sarili nating bansa at kapwa Pilipino rin naman ang ating kausap. Hindi nga ba’t parang sinasayang lang  natin ang ating wika kung hindi natin ito gagamitin, palalaguin, ipagmamalaki? Samantalang pinaghirapan itong isulong at itaguyod ng ating mga bayani. Sabi nga ng ating pambansang bayani, “Ang hindi magmahal sa saring wika ay higit pa sa malansang isda.” 

Kung patuloy lamang nating pahahalagahan at pauunlarin ang Wikang Filipino,makakaya  rin nitong makipagsabayan at makilala sa buong mundo. Tulad na lamang ng bansang Japan, pinahahalagahan nila ang kanilang wika kaysa sa ibang wika ngunit napauunlad pa rin nila ang kanilang bansa. Kaya tayong mga Pilipino pahalagahan rin at ipalaganap  natin ang sariling wika. Huwag natin itong ikahiya at hayaang mamatay. Sapagkat sa gitna ng globalisasyon at kolonyalismo; ang wika pa rin ang nagbibigay sa atin ng kaisahan upang maabot ang inaasam na tagumpay at kaunlaran. Mahalin natin at gamitin ang Wikang Filipino nang buong puso, hindi lamang sa salita kung hindi sa gawa. 

By: Aika Kristine L. Valencia | Saint Joseph’s College of Balanga