Guro. Apat na titik lamang ngunit punung-puno ng kahulugan. G– gabay ang Diyos sa lahat ng mga nilalayon sa buhay hindi lamang para sa kanyang pansariling kabutihan kundi para sa kapakanan ng lahat ng kanyang mga mag-aaral na magiging kayamanan at bubuo sa magandang kinabukasan nitong ating Inang Bayan sa kasalukuyan at sa susunod na panahon. Gaya ng sinabi sa talumpati ni Sen. Chiz Escudero sa isang pagtatapos sa isang pampribadong kolehiyo dito sa atin sa Bataan na “Hindi ko niyuyurakan ang sinabi ni Dr. Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan kundi ang kabataan ang pag-asa na nang bayan sa kasalukuyan.” U– uliran sa lahat ng bagay, kilos, ugali at gawi. Sabi nga sa wikang Ingles ay “Role Model” ng lahat kahit mahirap maging perpekto ay pinipilit gawin sa lahat ng kanyang mga desisyon at pagtuturo at maging sa kanyang pakikisalamuha sa lahat ng mga taong mga nakakadaupang palad sa loob at labas ng paaralan at sa komunidad na kanyang kinaaaniban. R– responsible sa bawat kaalaman, kasanayan at wika na kanyang ibinabahagi sa kanyang mga mag-aaral at kapwa kahit madalas ay hindi niya alam kung ito’y nauunawaan, isinasabuhay at isinasaisip ng lahat ng makaririnig at makakakita. At bilang isang responsableng guro, alam niya ang lahat ng magagandang katangiang dapat niyang taglayin at isabuhay sa kanyang sarili sa pang-araw-araw niyang gawain, pakikitungo at pagtuturo at pakikipamayan sa lipunang kanyang ginagalawan na may buong pusong pagliligkod para sa lahat gaya ng ginawa ng Panginoong Hesus para sa kapakanan ng lahat, mahirap, mayaman, may pinag-aralan man o wala, matalino man o mangmang. O– obligasyon at propesyon itong ating sinumpaan sa Diyos at sa bayan na lagi nating itatak sa ating puso at isip na ipinagkatiwala sa atin ng ating Dakilang Lumikha na tayong mga guro ang magtutuloy ng Kanyang mga dakilang gawa at layunin para sa lahat hindi lamang para sa maganda at maginhawang buhay sa kasalukuyan kundi para sa susunod na henerasyon.
Ang maging guro sa isang pampubliko o pampribado mang paaralan ay hindi biro sapagkat hindi lang ito nangngailangan na ikaw ay tapos ng “degree” sa edukasyon at isang “Board Passer” kundi lalo’t higit, ang isang guro ay nararapat na magkaroon ng napakalaking pagmamahal sa kanyang trabaho at maging sa kanyang magiging mag-aaaral at sabi nga sa Ingles ay pagkakaroon ng “dedication at compassion” ng guro sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay at pagsasabuhay sa sinumpaang tungkulin sa kabila ng mga di mabilang na suliraning kaakibat nito ngunit sa bandang huli ay may gantimpalang nakalaan hindi lang sa mundo ito kundi sa kabilang buhay. At bilang mga guro, tayo ay palaging may determinasyon at naglalayong mapatuto ang lahat ng mag-aaral upang sila ay mahubog sa kabuuan ng kanilang pagkatao maging sa pampersonal, “psychological, emotional, financial” at sosyal na aspeto. Lagi rin natin tandaan na bilang mga guro, lahat tayo ay nagkakaroon ng iba’t ibang kaalaman, kasanayan at karunungang mula rin sa ating mga mag-aaral at maging sa ating mga kapwa-guro at iba’t ibang mga taong nakakasalamuha natin sa pang-araw-araw nating buhay nagbabahagi rin sa atin ng iba’t ibang karanasang hindi natin malilimutan maging ang mga ito ay masaya, malungkot, nagbibbigay-pag-asa at kawalang pag-asa, pagpupuri at panalalait at kung anu-ano pang karanasang ang dulot sa atin ay mga gintong aral sa buhay at humubog sa ating pagkatao bilang guro sa ganap na pag-unlad at pagiging matatag sa lahat ng panahon tungo sa pagiging mabuti, produktivo at efektivong guro gaya ng ating Dakilang Guro na walang iba kundi ang Ating Panginoong Hesus na nakaranas din ng iba’t inang pangyayari, karanasan at damdamin at gaya ng nasasaad sa Banal na Kasulatan na ang isang ginto upang malaman kung totoong ginto at tinutubog sa apoy upang mapatunayan kung ito’y totoo. Gaya rin ng buhay ng isang guro, upang higit niyang maibahagi sa iba ang lahat ng mga aral sa buhay, hindi lamang matatagpuan sa mga kwento, nobela, sanaysay, dula at iba pang bababasahin at mga napapanood kundi lalo’t higit sa tunay na buhay na magsisilbi ring inspirasyon para sa lahat.
Gaya rin ng Panginoong Hesus na nagsisilbing magpapalayok na humuhubog sa atin at sa mga bagay na gusto Niyang lilukin mula sa mga putik at sa Kanyang Banal na mga Kamay. Tayo rin bilang mga guro ay binigyang Niya ng karapatan at pribelihiyong maging magpapalayok na huhubog sa ating kapwa at higit sa lahat sa ating mga mag-aaral na huhubog naman sa magandang kinabukasan hindi lamang ng kanilang sarili kundi ng ating Inang Bayan.
Mabuhay ang ating Dakilang Guro, tayong mga guro at magiging mga guro at lahat ng mga mag-aaral noon, ngayon at bukas!
By: Marla Aileen D. Maglente | T-III | Oarni National Highschool main