Ang paglaganap ng nakamamatay na sakit sa buong kalipunan ay naghatid ng pangamba sa bawat isa. Hindi naman maitatanggi na marami ang naapektuhan, maging ang larangan ng edukasyon ay tila mabilisang nagbago upang agarang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral na angkop sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Ngayon, unti-unti nang bumabalik ang lahat sa normal na pamamaraan ng pag-aaral, ngunit handa na ba talaga ang lahat upang muling balikan ang dating nakagawian na paraan ng pag-aaral?
Matapos ang dalawang taon na pagkakatali sa limitadong pamamaraan ng pag-aaral. Sa wakas, taong 2022 nang simulang maipatupad ang limitadong harap-harapan (face-to-face) na pag-aaral sa loob ng silid-aralan. Tunay na sinuri, pinag-aralan ang bawat galaw, maging ang mga susundin na protocol ay lubhang dumaan sa napakaraming pagpupulong. Sa kabila ng lahat ng paghahanda ng lahat ng kawani ng Kagawaran ng Edukasyon, marami pa ring magulang ang nakararamdam ng takot at pangamba sa pagbabalik ng mga mag-aaral sa paaralan. May mga mag-aaral at guro na dumalo sa limitadong face-to-face ngunit nakaramdam ng sintomas at nagpositibo sa CoVid-19. Tila ba wala na talagang pinipiling dapuan ang sakit na ito, bata man o matanda, mahirap man o mayaman at galing man sa laylayan ng lipunan o kilalang pamilya sa bayan.
Kung ang pag-uusapan ay pasilidad na gagamitin ng mga mag-aaral at guro, makikita na karamihan sa ibang silid ay tuluyang nang nasira ang mga upuan, puno ng alikabok, maliit ang espasyo at sira ang mga electric fan. Sa kabilang banda, nagpakita naman ng pagpupursigi ang lahat ng administrador at mga guro sa bawat mag-aaral. Ang pagmamahal sa kanilang propesyon ang naging inspirasyon upang malagpasan ang lahat ng pagsubok dulot ng pandemya. Unti-unti na rin dumarami ang mga lumalahok sa limitadong face-to-face. Tunay nga na ang lahat ay nasasabik sa muling pagbabalik ng tradisyonal na pag-aaral.
Sa huli, daanan man tayo ng anumang unos, hindi pa rin nito matutumbasan ang determinasyon at pagpupurisgi ng lahat upang makaahon sa buhay. kung ikaw ang tatanungin, handa na ba talaga ang lahat?…
By: LOVILENE B. CUATON | TEACHER I | OLONGAPO CITY NATIONAL HIGHSCHOOL | OLONGAPO CITY