“Hawlang Ginto”

   “Diyan kayo sa loob” tugon ni Rexy. Numero unong kapalitan ng salita ng mga mag-aaral sa uwian kung nais na nilang umuwi sa kanilang tahanan. Sa umaga sa ganap na ika- 10:00 makikita mo ang ilang mag –aaral na tila mga ibong nakakulong sa kanilang mga hawla, nag-aabang na pagbuksan ng pinto ng makamit…


 

 “Diyan kayo sa loob” tugon ni Rexy.

Numero unong kapalitan ng salita ng mga mag-aaral sa uwian kung nais na nilang umuwi sa kanilang tahanan.

Sa umaga sa ganap na ika- 10:00 makikita mo ang ilang mag –aaral na tila mga ibong nakakulong sa kanilang mga hawla, nag-aabang na pagbuksan ng pinto ng makamit ang “paglayang” nais.

Bawat isa sa atin ay may “kalayaang” pinapangarap, kalayaang makapagsalita sa lahat ng nais sabihin, kalayaang magpasya ng walang isinasaalang-alang, kalayaang magpahayag ng damdamin, kalayaang makalaya sa anumang karamdaman, kalayaang mapuntahan ang lahat ng gustong puntahan, kalayaang tuklasin ang lahat ng problema at maging masaya sa buhay.

Ngunit kasabay ng paglayang ito ay ang kapalit ng maaring mangyari sa paglayang nais nating makuha.

Isa daw sa katotohanan ng buhay ay ang “pananagutan” natin sa mga pasiyang gagawin natin sa ating buhay. Tayo daw ang mga dakilang “drayber” na gagabay sa ating mga “sasakyan:, kaya nga ang tanong paano ba natin ito papupuntahin sa nais nating marating.

Sa araw-araw na pagpasok natin sa paaralan, patuloy kong pinagmamasdan ang mga bata, kadalasan hindi nauubusan ng nakapila at nag-aabang na payagan sila ng mga bantay na lumabas ng gate. Iniisip ko tuloy ano baa ng dahilan at pumasok pa sila kung lalabas din naman pala, hindi kaya nila alam ang kapahamakang maaring maging bunga ng pagnanais na makalabas ng paaralan. Minsan, naisipan kong tanungin ang klase ko “Bakit baa ng ilan sa inyo, konting oras lang ditto sa paaralan gusto umalis na agad”.

Napakaraming rason, may nagdadahilang masama ang pakiramdam, na may patakaran naman na kung may masamang nararamdaman at di na kaya “dapat may susundo”, may nagdadahilang bibili ng pagkain “may canteen naman”. May ilang umaaming gusto lang talaga na “umuwi”, bakit? Kinuha lang daw nila ang kanilang baon, pinagsabihan ko ang nangatwiran ng ganito, alam kaya nila kung saan kinuha ng kanilang mga magulang ang kanilang pambaon? Palagi na lamang at paulit-ulit naming nililitanya sa mga bata ang kahalagahan ng pag-aaral at ng maputol na ang ikot ng “kahirapan” pero marami pa ring bingi sa pangaral na ito. May nagsabi din na gusto ng “magdota”, bawal ang estudyante sa computer shop ng ganoong oras, “may baon po kaming “civilian clothes”, matatalino talaga. May ilang “pupunta daw ng mall” nababagot na daw sila sa kanilang pag-aaral na ginagawa.

Napakarami pang dahilan na sa bawat katwiran, sinasalag mo ng kontra dahilan. Na sa kabuuan ang sagot ay gusto ng panandaliang paglaya.

Naisip ko din, gusto ko din bang lumaya? Ang hawla bang pinaglagyan sa akin ay ano?

Maaring ang paaralan ay piitang itinuturing ng ilan, ngunit sa marami ito ay isang paraiso, dahil may mga pagkakataong “may pasok” nga ngunit iilan ang pumapasok, at kapag tinanong mo ang sagot “bakit lilima lang kayo” iilan na ang pumapasok bakit nandito pa kayo ang katwiran “ayoko sa bahay magulo, ayoko sa bahay walang tao, mas masarap sa paaralan masaya”.

Tunay nga, minsan kahit anong problema ang nasa bahay, pagpasok mo ng paaralan, nalilimutan ang lahat. Ang isipan at puso ay nakatuon sa pagtuturo at sa mga mag-aaral.

Ang paaralan ay itinuturing na ikalawang tahanan ng mga mag-aaral at naming mga guro, kung susuriin mas mahaba ang oras at panahon na ang ginugugol sa paaralan. Maaaring sa iba ito ay isang kulungan ngunit kung susuriin ito ay “hawlang ginto” na kapag pinasok mo, isang natatanging kayamanan at ginto na di makukuha ninoman sa atin.

 

By: Ma Czareanah Anne F. Wee |Teacher I- Bataan National High School| Balanga, Bataan